Advertisers
SA kasagsagan ng mainit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, dalawang bank accounts ng Cale88 Foods Corp., kumpanyang pag-aari ng kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio, ang isinara Hulyo 2026.
Ito ang pasabog na rebelasyon ng isang mataas na opisyal ng Security Bank sa ika-35 araw ng impeachment trial ng Bise Presidente nitong Miyerkules, Oktubre 7.
Sa pagtatanong ni Senator-Judge Francis “Kiko” Pangilinan, kinumpirma ni Security Bank Branch Banking Group Head Leslie Cham na may dalawang peso checking account ang Cale88 sa kanilang bangko, ngunit kapwa isinara ang mga ito tatlong buwan na ang nakalipas.
“Yes, it appears that Cale88 has two checking accounts, but was closed already as of this point in time,” pahayag ni Cham.
Nang tanungin ni Pangilinan kung kailan isinara ang mga account, diretsahang sumagot si Cham: “It closed on July 2026.”
Ayon sa opisyal, binuksan ang unang account ng Cale88 Agosto 2024 at ang ikalawa Oktubre 2025. Parehong isinara ang mga ito Hulyo 2026, habang nahaharap na sa impeachment trial si Duterte.
Binigyang-diin ni Pangilinan na parehong binuksan ang mga account noong nakaupo na bilang Bise Presidente si Duterte, at isinara habang nililitis siya sa Senado.
“When it was opened, Vice President was already Vice President. And when it was closed, of course, 2026,” ani Pangilinan.
Giit ng senador, mahalagang busisiin kung magkano ang perang pumasok at lumabas sa mga account, lalo na’t lumitaw sa ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang humigit-kumulang P319 milyong transaksyong nagmula sa China na may kaugnayan sa Cale88.
Ayon kay Cham, P332,530.95 na lamang ang closing balance ng unang account na nagtatapos sa numerong 2013, habang P21,164.27 ang natira sa ikalawang account na nagtatapos sa 8581.
RED FLAG! KAHINA-HINALANG DEPOSITO SINILIP NG SENADO
Hindi nakaligtas sa matinding pagtatanong ng mga senador-hukom ang pagsasara ng mga account, lalo na matapos lumutang ang mga kahina-hinalang transaksyon ng kumpanya.
Kinuwestiyon ni Senate President Sherwin “Win” Gatchalian si Cham tungkol sa mga Suspicious Transaction Report (STR) na mismong Security Bank ang nagsumite kaugnay ng Cale88.
Kabilang dito ang 12 cash deposit na itinuring na kahina-hinala dahil hindi tugma ang mga halaga sa idineklarang financial profile ng kumpanya.
Binasa rin ni Gatchalian ang ulat ng Security Bank na nagsasabing nabigo ang Cale88 na magsumite ng mga dokumentong magpapatunay kungsaan nanggaling at para saan ang mga transaksyon.
Ayon sa ulat, hindi rin tumugon ang kumpanya sa mga kahilingan ng bangko para sa paglilinaw.
Dahil dito, hindi makumpirma ng Security Bank ang pinagmulan at layunin ng mga transaksyon.
Gayunman, tumangging magbigay ng karagdagang detalye si Cham, dahil sa mga probisyon ng batas tungkol sa bank secrecy at anti-money laundering.
P40 MILYON ANG PUMASOK, P40 MILYON DIN ANG LUMABAS!
Mas lalong uminit ang usapin nang ilantad ni Senator-Judge Raffy Tulfo ang napakalaking perang dumaan sa account ng Cale88 sa loob lamang ng isang taon.
Bagama’t ilang daang libong piso na lamang ang natira sa account nang isara ito, lumitaw na halos P40 milyon ang pumasok at halos ganoon din kalaking halaga ang lumabas noong 2024.
Batay sa mismong bank records na binasa ni Cham, umabot sa P40,138,766.28 ang kabuuang perang pumasok sa account ng Cale88 noong 2024.
Samantala, P40,001,101.79 ang kabuuang perang lumabas sa parehong taon.
“So halos parehas lang,” puna ni Tulfo matapos makumpirmang halos nagtabla ang perang pumasok at lumabas sa account.
Sa madaling salita, halos lahat ng P40 milyong pumasok sa account noong 2024 ay lumabas din sa loob ng nasabing taon.
Kinumpirma rin ni Cham na may panibagong P6,265,915.66 na pumasok sa account noong 2025.
MAY VIP TREATMENT BA SA BANGKO?
Hindi rin pinalampas ni Tulfo ang posibilidad na may mga makapangyarihang personalidad na maaaring makalusot sa mahigpit na pagsusuri ng bangko.
Tinanong niya si Cham kung maaaring balewalain ng mga bank manager ang Know-Your-Customer (KYC) requirements kapag may mataas na opisyal ng bangko na nag-utos na tanggapin ang deposito ng isang kliyente.
“Eh paano kung wala yung client at tumawag yung manager niyo, tumawag yung vice president ng bank, papasukin mo na yan? Kami ng bahala?”, tanong ni Tulfo.
Mariin naman itong itinanggi ni Cham. “We don’t do that.”
Paliwanag ng opisyal, anumang kuwestiyonableng transaksyon ay isinasangguni sa compliance office ng bangko para sa kaukulang pagsusuri at desisyon.
“We are very strict on the KYC in the compliance,” diin ni Cham.
Sa gitna ng mga rebelasyon, nananatiling mahalagang usapin sa impeachment trial ang pinagmulan at pinagdalhan ng milyun-milyong pisong dumaan sa mga bank account ng Cale88, lalo na matapos mabunyag ang P319 milyong transaksyong nagmula sa China at ang pagsasara ng mga account habang nililitis ang Bise Presidente.