Advertisers
HINDI pa rin titigil ang Philippine Army sa pagpulbos sa ngayon ay mahina nang guerilla front at natitirang mga armadong grupo ng mga rebeldeng komunista.
Ito ang sinabi ng Philippine Army habang parehong naghahandap pa ang gobyerno at ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) para sa nakatakdang pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan.
“While there is no final peace framework, the Philippine Army would still continue its efforts to sustain the gains in Internal Security Operations by dismantling the weakened guerrilla fronts and neutralizing the remaining armed groups,” anang Philippine Army sa isang pahayag.
Sa ngayon, hindi pa kasi napag-uusapan ng gobyerno at ng NDFP ang isyu ng ceasefire.
Ngunit sinabi ng Philippine Army na sinusuportahan nito ang pinagsamang pahayag ng Government of the Philippines (GPH) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) para sa mapayapang paglutas ng armadong tunggalian.
Noong Martes, Nob. 28, nagsagawa ng hiwalay na press conference ang mga opisyal ng NDFP at mga opisyal ng seguridad ng gobyerno para ipahayag ang kasunduan na bumalik sa negotiating table anim na taon matapos kanselahin ang usapang pangkapayapaan.
Sa magkasanib na pahayag na nilagdaan noong Nob. 23 ng NDFP at mga kinatawan ng gobyerno, ang magkabilang panig ay sumang-ayon sa isang prinsipyo at mapayapang resolusyon ng armadong tunggalian.
Ang Communist Party of the Philippines (CPP) ang political wing ng mga rebeldeng komunista habang ang New People’s Army (NPA) ang armed component ng grupo.
Sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan, sinabi ng Philippine Army na inaasahan nito ang mga natitirang miyembro ng CPP-NPA na magbababa na ng armas. (Boy Celario)