Advertisers

Advertisers

Sa Jeepney Modernization…‘JEEPNEY MULA CHINA AMOY KORAPSYON; MAS MURA AT DEKALIDAD ANG GAWANG PINAS!’

0 12

Advertisers

UMALMA si Senador Raffy Tulfo kaugnay sa pag-aangkat ng modern units ng jeepney mula sa China na ipampapalit sa mga lumang pampasaherong jeep sa bansa bilang parte ng ‘Jeepney Modernization Program’.

Sinabi ni Tulfo, nangangamoy korapsyon ang naturang proyekto lalo pa at kaya naman ng isang local manufacturing industry ng jeepney ang gumawa ng isang kalidad na modern jeep sa mas mababang halaga.

Napag-alaman ng senador na ang imported jeepney mula sa Tsina ay nagkakahalaga ng P2.6 hanggang P2.9 million bawat unit. Higit na mas mahal ito sa isang brand new unit na kayang gawin ng local company gaya ng Sarao at Francisco Motors sa halagang P900,000 hanggang P985,000 lamang bawat isa.



Aniya, nasa P1.7 million per unit ang matitipid ng gobyerno kung pipiliin ang local manufacturer kaysa sa isang Chinese company.

Bukod dito, kung nasa P900,000 lang ang halaga ng bibilhing jeepney, mas kakayanin ng gobyerno ang subsidies para maipatupad ang modernization ng walang gastos sa jeepney drivers at operators.



Ipinunto pa ni Tulfo na kapag sa bansa mismo natin ginawa ang modern jeepney, ito ay makakalikha ng libo-libong trabaho para sa mga manggagawang Pilipino.

Makatitiyak din, aniya, ang taumbayan na mapapanatili ang estilo, porma, at disenyo ng jeep na simbolo na ng kultura ng bansa kapag ito ay gawang Pinoy.



Nabanggit din niya na mahalagang isaalang-alang sa modernization program ang kapakanan ng mga Pilipino, lalo pa ng mga pobreng jeepney driver.

“Ang karagatan natin sa West Philippine Sea ay sinasakop na nga ng China, pati ba naman mga kalsada natin ay papayag tayong sasakupin na rin nila?!” dagdag pa ng senador. (Mylene Alfonso)