Advertisers
KAMAKAILAN ay nautusan ako ng aking kumander na mamili sa isang palengke sa may Makati.
At dahil medyo matagal na rin naman akong hindi nakapupunta sa mga pampublikong pamilihan , ay nagulat ako sa sobrang taas ng presyo ng mga bilihin doon.
Ang mga paborito kong prutas tulad ng abokado at mangga ay umaabot ng mahigit P300 kada kilo, samantalang ang lakatang saging na galing Mindanao kuno ay umaabot ng P180 kada kilo.
Nang mapadaan naman ako sa puwesto ng isdaan ay nahilo din ako sa taas ng presyo ng galunggong at sapsap at iba pangh isda na mahigit P300 na rin ang kada kilo.
Hindi na rin ma-reach ang presyo ng mga lapu-lapu na mahigit P700 na ang kilo at iba pang isda na nahuhuli sa malalim na bahagi ng mga karagatan.
Nakakagulat din ang presyo ng mga karne dahil ang liempo ng baboy ay umaabot na sa P460 at P550 naman ang laman ng baka.
Pero pagdating ko sa bigasan ay nalula ako sa presyo dahil P58 per kilo ang nakita kong isa sa pinakamababang presyo na ibinebenta roon.
At iyong talagang kinakain namin na dati ay P62 kada kilo ay umaabot na sa P72 ngayon.
Dahil dito ay napaisip ako na marami ngang magugutom kapag lahat ng palengke sa bansa ay ganito ang mga presyo ng mga bilihing pagkain.
Kaya naman bumilib ako kay Agriculture Secretary Francisco Tiu -Laurel Jr. ng sabihin niya sa isang presscon sa palasyo na posible pa rin na makamit ng bansa ang P20 kada kilo ng bigas na ipinangako noon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ikinatuwiran ni Tiu-Laurel na puspusan ang ginagawang hakbang ng pamahalaan para mapataas pa ang produksyon ng bigas sa bansa.
Sa totoo lang puwede pa talagang makamit ang P20 kada kilo ng bigas ,subalit dapat malansag muna ang lahat ng mga sindikatong kumikilos diyan sa DA.
Kada pangunahing produkto kasi tulad ng bigas, sibuyas, bawang, luya, karne, mga gulay at maging asin ay may sindikatong kumokontrol sa suplay at produksyon.
May ilang grupong magsasaka ang nagaalok din ng kanilang tulong at kasanayan para mapataas ang ani pero mukhang hinaharangan sila at hindi nila nakakausap si Sec. Tiu-Laurel.
Sa pangkalahatan dapat suportahan ang adhikain ng pamahalaan na P20/ kilo ng bigas, pero makakamit lamang ito kung mawawalis ang lahat ng katiwalaan diyan sa DA.