Advertisers
IKINALUGOD ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapahayag ng interes ng VinGroup Company ng Vietnam na mamuhunan sa Pilipinas, partikular na sa produksyon ng baterya para sa electric vehicle (EV).
Sinabi ni PBBM na ang hakbang na ito ay timely o napapanahon dahil sa kasalukuyang modernisasyon ng pampublikong transportasyon sa bansa.
Sa isang pulong kasama ang mga top executive ng Vingroup sa Hanoi, sinabi ni Marcos na ang kompanya ay kilala na sa Pilipinas dahil ang kanilang layunin ay tugma sa plano ng bansa sa hinaharap hinggil sa produksyon ng baterya para sa EVs.
Sinabi ng Pangulo na ang pag-venture ng Vingroup sa Pilipinas ay tamang-tama dahil kasalukuyang nasa gitna ang bansa ng isang modernization program para sa pampublikong sasakyan, partikular na ang mga jeepney at tricycle.
Maliban dito, ipinabatid din niya sa mga executive ng Vingroup na ang kasalukuyang mga specifications para sa mga sasakyan ay binubuo na at ang gobyerno ay nagsasagawa ng consolidation ng mga operator at driver sa mga kooperatiba.
Aniya, nakahanda ang bansa na suportahan ang produksyon ng baterya para sa EVs dahil mayroon itong sapat na reserba ng nickel, cobalt, at copper. (Gilbert Perdez)