Advertisers
NASAWI ang dalawang miyembro ng komunistang New People’s Army (NPA) habang ang isa pa ay nadakip sa engkwentro laban sa tropa ng gobyerno sa Buenavista, Agusan del Norte nitong Lunes, Enero 29, ng umaga.
Sinabi ni Brigadier General Adonis Ariel Orio, commander ng 402nd Infantry Brigade (Bde) ng Army, sumiklab ang sagupaan sa pagitan ng trooper ng 23rd Infantry Battalion (IB) at ng mga rebelde kasunod ng ulat ng mga residente sa Sitio Kipundaw, Barangay Sangay, Buenavesta.
Nasamsam ng tropa ng gobyerno ang dalawang high-powered firearms, isang M16 rifle at isang M4 rifle matapos ang engkwentro.
Kinilala ang isa sa mga namatay na rebelde na si Fuerlan Sugalong, miyembro ng NPA Sub-Regional Sentro De Grabidad Sagay (SRSDG Sagay) sa ilalim ng North Central Mindanao Regional Committee.
Ang isa ay kilala lamang bilang “Kasikas”, isang political instructor.
Ang nahuli namang rebelde ay kinilalang si Romeo Maestrado Micabalo, miyembro din ng SRSDG Sagay.
Noong Enero 16, naganap ang engkwentro sa pagitan ng trooper ng gobyerno at ng mga rebelde sa Barangay Simbalan, Buenavista na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang rebelde at pagsuko ng dalawa pa.
Enero 24, nagkaroon din ng sagupaan sa Barangay Bitanagan dito. Dalawang babaeng gerilya ng BHB ang nahuli.(Mark Obleada)