Advertisers
Muling inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan ang taunang Balik Eskwela: Libreng Gupit program na ginanap sa iba’t ibang paaralan ng lungsod sa North at South Caloocan upang tulungan ang mga mag-aaral na salubungin ang bagong school year.
Ang nasabing libreng gupit na programa ay patuloy na gaganapin hanggang Agosto 22, at magagamit para sa mga mag-aaral, guro, at maging ang mga magulang.
Binanggit ni City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan na isa lamang ang libreng gupit sa mga paraan ng kanyang administrasyon upang hikayatin ang mga kabataan na ilipat ang kanilang pagtuon sa kanilang buhay akademiko at malayo sa iba pang distractions.
“Alam naman po natin na marami pa sa mga kabataan ngayon ang nasa ‘vacation mode’ pa. Kaya po isa sa mga paraan ng pamahalaang lungsod taon-taon ay ang pagsasagawa ng libreng gupit bago mag-pasukan upang maihanda hindi lang ang kanilang itsura kundi pati na rin ang kanilang mga isip para sa pag-aaral,” wika ni Mayor Along.
Tiniyak din ni Malapitan sa kanyang mga nasasakupan na mayroon ang pamahalaang lungsod ng mga programa para mas matulungan ang lahat ng stakeholder ng edukasyon, mula sa basic education hanggang sa makatapos sila ng kolehiyo.
“Muli po, bukod sa libre ang pag-aaral sa lahat ng pampublikong paaralan sa buong Caloocan mula elementarya hanggang kolehiyo, regular po ang ating pakikipag-ugnayan sa mga school administrator, guro, at maging sa mga magulang para mas maging masiguro natin na matapos. ang mga Batang Kankaloo at maging maginhawa ang kanilang kinabukasan,” pahayag ni Mayor Along.
Bukod sa nagpapatuloy na libreng gupit na programa, dati nang nagbigay ang pamahalaang lungsod ng kumpletong set ng school supplies at bag sa libu-libong mga mag-aaral sa elementarya.(BR)