Advertisers
ISINUSULONG ni Senador Robinhood “Robin” Padilla ang mas mabigat na parusa kasama ang kamatayan laban sa sexual assault sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kasalukuyang Anti-Rape Law of 1997.
Sa kanyang inihaing Senate Bill 2777 kahapon, layunin ni Padilla na tiyaking hindi lang mas malakas ang ating mga batas kundi mas “gender-responsive,” dahil parehong lalaki at babae ang biktima ng sexual assault.
“Despite the penalties under RA 8353, this representation still finds it compelling to increase the punishment for any person who shall commit an act of rape as stated under Paragraph 2, Article 266-A of the Revised Penal Code, as amended by RA 8353,” ani Padilla.
“By doing so, we can be more certain that our laws are stronger, more gender-responsive, and progressive especially in these chan-ging times,” sabi pa ng senador.
Ayon kay Padilla, nakasaad sa 1987 Constitution ang pagbigay ng kahalagahan sa paggalang sa karapatang pantao.
Mismo ring Saligang Batas ang nagtakda sa Kongreso na bigyang prayoridad ang batas na protektahan ang karapatan sa dignidad.
Dagdag pa ni Padilla na may pag-aaral ang Council for the Welfare of Children at United Nations Children’s Fund (UNICEF) noong 2017 kung saan mas maraming lalaki na edad 13 hanggang 24 ang nakararanas ng sexual violence kumpara sa babae.
Sa ilalim ng panukalang batas ni Padilla, ang reclusion perpetua hanggang kamatayan ay ipapataw kung ang rape ay ginawa na gamit ang deadly weapon o ginawa ng dalawa o higit pang tao.
Ang biktima ay masisiraan ng bait dahil sa nangyaring rape at may homicide na nangyari sa pagtangkang rape.
At ang rape ay ginawa kasama ang “aggravating or qualifying circumstances” sa artikulo. (Mylene Alfonso)