Advertisers
INIULAT ng Philippine Ports Authority (PPA) na isa ang nasawi at dalawa ang sugatan sa insidente ng pagsabog sa isang barko sa Pier 18, North Harbor, Tondo, Maynila.
Ayon sa PPA, nangyari ang pagsabog mula sa MV EverWing Star 2 nitong Lunes, Agosto 26.
Sa inisyal na ulat ng Radio Base Operator ng nasabing pantalan, 10:50 ng umaga nang makarinig ng pagsabog sa lugar.
Agad namang rumesponde ang mga awtoridad.
Kinilala ang kapitan ng MV Everwin Star 2 na si Olympio Aldovino.
Isang apprentice ang nasawi habang dalawang personnel ang sugatan nang magtamo ng third degree burns. Dinala ang mga sugatang biktima sa Jose Reyes Hospital.
Nag-ugat umano ang pagsabog sa fumes na posibleng galing sa gasolina at pintura, ayon kay FO2 Ronnie S. Augustin, Arson Investigator ng BFP Manila Fire District.
Gayunman, tinitingnan din ng mga awtoridad kung nagmula rin ang pagsabog sa LPG.
Ayon pa sa ulat, posible na nagsimula ang pagsiklab ng apoy mula sa hydraulic switch. (Jocelyn Domenden)