Advertisers

Advertisers

P15m LPG tanks, equipment nasakote ng PNP-CIDG nung Agosto

0 150

Advertisers

SA pag-init ng pagbabantay laban sa iligal na aktibidad sa Liquefied Petroleum Gas industry, nagsagawa ng mga pagsalakay ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police sa Bataan at Rizal kungsaan umabot sa milyon-milyong piso ang halaga ng kanilang nasakoteng ilegal na LPG cylinder nitong nakaraang buwan ng Agosto.

Sa isang entrapment operation sa Antipolo, Rizal noong August 9, nakakumpiska ang mga operatiba ng CIDG sa pangunguna ni Captain Ringo Medalla ng 50 LPG cylinders na illegal na tinatakan bilang Petron Gasul, Fiesta Gas, at Solane. Nasakote rin ang LPG refilling equipment na kinabibilangan ng mga compressor, filling hoses, weighing scale, mga sasakyan, na umaabot sa halagang P14 milyon. Naaresto sa operasyon ang 8 suspek na ngayon ay nakakulong sa CIDG custodial facility sa Rizal.

Kaugnay nito, sa isang kahiwalay na entrapment operation noong August 2 sa Abucay, Bataan, 500 cylinders na may tatak ding Petron Gasul, Fiesta Gas, at Solane, mga LPG equipment na tinatayang aabot sa halagang P800,000 ang nakumpiska ng CIDG team sa pangunguna ni PNP-CIDG Bataan Provincial Chief Jhon Carlo Mindanao. Nasamsam rin sa operasyon ang isang LPG tanker at Mitsubishi van.



Naaresto rito ang 8 katao na huli sa aktong nagre-refill ng Petron at Solane LPG tanks nang walang kaukulang awtorisasyon mula sa brand owner at walang kaukulang permit mula sa Department of Energy (DOE).

“Ang mga entrapment operation na ito ay nagpapakita ng aming matibay na commitment para istriktong ipatupad ang LPG Law at tiyakin ang kaligtasan at kalidad ng mga produkto gayundin ay upang matiyak na mananaig ang ethical business practices sa buong LPG sector. Kasama ang DOE, patuloy naming hahabulin ang mga nagsasagawa ng ilegal na operasyon na lumalabag sa batas at nagdudulot ng seryosong panganib sa buhay at kabuhayan,” ani PNP-CIDG Director, Major General Leo Francisco.



Samantala, sinabi ni DOE Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad na: “Sa paglaban natin sa ilegal na gawain sa LPG trade, mahalagang may kolaborasyon at pagtutulungan ang mga ahensya ng gobyerno. Pinapalakpakan natin ang pagsisikap ng PNP kasabay ng aming pangakong lalo pang pahihigpitin ang pagbabantay kasama nila.

Nauna rito, lumagda ang PNP at DOE sa isang memorandum of agreement (MOA) na istriktong ipatutupad ang implementasyon ng Liquefied Petroleum Industry Regulation Act (LIRA) para sa kaligtasan ng mga konsyumer.



Sa pamamagitan ng Oplan LIRA, ang DOE at PNP ay inaatasang magka-tuwang na mag-inspeksyon sa lahat ng LPG facilities pati sa retailers, refillers, at maging ang mga sasakyan na ginagamit sa pagbibiyahe ng bultong LPG gayundin ng LPG cylinders at cartridges.

Sa ilalim ng LPG Law, magpapatupad ng mas istriktong kaparusahan sa mga lalabag tulad ng underfilling, hoarding, at paggamit ng substandard na cylinder gayundin ang pag-operate nang walang balidong lisensya. Ang mga illegal na refillers ay maaring mapagmulta ng P25,000 hanggang P100,000 bawat cylinder at maaari ring makulong mula 6 hanggang 12 taon.