Advertisers

Advertisers

Apela ni Abra VG Valera-Bernos: AWAT NA SA PAMUMULITIKA

0 15

Advertisers

NANINDIGAN si Abra Vice Governor Joy Valera-Bernos na pinupulitika ang kanyang kinasangkutang isyu sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic noong siya pa ang nakaupong governor ng lalawigan ng Abra.

Tinukoy ni Bernos ang desisyong ipinalabas ng Office of the Executive Secretary sa OP-DC Case No. 21-A-001, August 12, 2024, na konektado sa isang pangyayari noong 2020 na kasagsagan ng pandemya.

May kinalaman ito sa kautusan ni Bernos noong 2020, bilang governor ng Abra, na i-lockdown ang isang ospital ng lalawigan nang magpositibo sa COVID ang isang nurse. Kinontra ito ng medical director ng ospital dahil wala umano itong pagsang-ayon ng CAR-Regional Inter-Agency Task Force. Ikinatuwiran naman ni Bernos na ginawa niya ang desisyon para protektahan ang mamamayan ng Abra.



“Ang taong 2020 ay kasagsagan ng COVID-19 pandemic kungsaan wala pang kasiguraduhan kung ano ang virus at kung ano ang lunas dito,” ani Bernos. “Lahat ng chief local executive ay bibigyan ng prayoridad ang kaligtasan ng kanyang mga kababa-yan at gagawin ang lahat para labanan ang pandemya. Lagi akong magkakamali sa panig ng Abreños, kung ito naman ay para sa ikabubuti ng lahat.

Maraming mahihirap na desisyon na kailangang gawin noon, dahil kailangang pangalagaan ang lahat. Iyon ang aking sinumpaang tungkulin.”



Mayo 4, 2022 dinismis ng Ombudsman ang naturang reklamo at nagdesisyon na ang ginawang aksyon ni Bernos ay “in good faith” at naaayon sa kanyang tungkulin bilang opisyal ng bayan, na nasa ilalim ng state of calamity. Dapat ay doon na ito nagtapos ang usapin pero nanghimasok dito ang Office of the Executive Secretary.

“Paano magkakaroon ng bad faith at pagmamalabis sa kapangyarihan samantalang noon ay hindi natin alam kung ano ang COVID-19 at kung ito’y may lunas? Wala tayong pinigilang healthcare professional sa pagganap ng kanilang tungkulin sa gitna ng pandemya,” ani Bernos.



“Noong September 4, 2024, sinikap ng Regional Trial Court ng Abra na manaig ang katarungan at naglabas ng temporary restraining order (TRO) sa ipinatupad ng suspension laban sa akin. Ikinatuwiran ng korte na dahil hindi na ako ang governor, ang desisyon ng Office of the President at Department of Interior and Local Government (DILG) ay maituturing nang moot and academic.”

“Ang aking prayoridad sa kasalukuyan bilang Vice Governor ng Abra ay proteksyunan ang buhay ng mga Abreños. Gagawin ko ang lahat para protektahan ang mga Abreños,” dagdag pa ni Bernos.

Aniya pa, ito’y ginagamit laban sa kanya at halatang pulitika na ang motibo dahil ginawa ito walang isang buwan bago ang pag-file ng Certificate of Candidacy.

“Lahat ng ginawa ko noong mahirap na panahon ng pandemya ay para lamang sa kabutihan ng mga Abreños. Susundin natin ang batas at lalabanan ang anumang desisyon na nakikita nating pamumulitika ang motibo sa halip na pagiging makatarungan,” diin ni Vice Gov. Bernos.