Advertisers
TUKOY na ng Philippine National Police (PNP) ang ilang kasapi ng tinaguriang Angels of Death ni Kingdom of Jesus Christ founder Apollo Quiboloy.
Pahayag ni PNP PIO Chief PCol. Jean Fajardo, nakausap na niya si Police Regional Office 11 (PRO 11) Director PBGen. Nicolas Torre III kung saan may ilang pangalan na silang tinitingnan sa ngayon.
Ayon kay Fajardo, kanila nang pinapaimbestigahan sa Firearms and Explosives Division kung mayroong license to own and possess firearms o LTOPF at rehistro ng baril ng mga ito.
Saka-sakaling mayroon ay hihilingin nila sa FEO na i-revoke ang LTOPF at rehistro ng baril ng tila private armed group ni Quiboloy.
Una nang ibinunyag ng PNP na ginawa umanong panakot ni Quiboloy ang Angels of Death sa kanyang mga menor de edad na biktima na kung saan ay hahabulin sila nito kapag nagkwento ng mga karanasan na kanilang sinapit sa kamay ni Quiboloy.
PNP TUGIS SI ROQUE!
TINUTUGIS na rin ng Philippine National Police (PNP) si dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque para maisilbi ang arrest order ng House of Representatives.
Sinabi ni Santa Rosa City Representative Dan Fernandez, co-chairman ng House Quad Committee, nakikipagtulungan ang Kamara sa National Capital Region Police Office (NCRPO) at sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para sa pagtugis kay Roque.
Noong Biyernes ay pinuntahan ng mga otoridad ang law firm ni Roque sa Antel Corporation Centre sa Makati City upang isilbi ang arrest warrant subalit hindi ito tinanggap ng kaniyang staff at wala rin sa lugar si Roque.
Si Roque ay na-cite in contempt ng Kamara makaraang hindi ito dumalo sa nagdaang pagdinig ng quad committee.
Nagmatigas din si Roque na hindi isusumite ang mga dokumento na kinabibilangan ng kopya ng kaniyang mga Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), rekord ng Biancham Holdings, na pagmamay-ari ng kaniyang pamilya at ang mga patunay ng bentahan ng ari-arian sa Parañaque City na kanyang sinabi na pinanggalingan ng biglaang paglobo ng kaniyang yaman.
Hinimok naman ni quad committee overall chairman at Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers ang publiko na tumulong sa paghahanap kay Roque na sinasabing may kaugnayan sa iligal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).