Advertisers

Advertisers

Rep. Marissa “Del Mar” Magsino: Dapat ng ayusin ang reimbursement policy para sa offloaded passengers!

0 27

Advertisers

Matapos ang ginanap na plenary deliberation sa budget ng Department of Justice (DOJ), kung saan nakapaloob ang Bureau of Immigration (BI), inalam ni OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” Magsino ang status at alituntuning umiiral para sa Joint Memorandum Circular No. 2024-001, o ang “Guidelines for Reimbursing the Travel Expense of Filipino Passengers Whose Travel Was Deferred By the Bureau of Immigration.”

Pinangunahan ni Rep. Magsino noong nakaraang taon sa Kamara ang panawagan sa Bureau of Immigration (BI) na maging maingat sa pag-offload o pag-defer ng flights ng mga Filipino outbound passengers, partikular ang mga Overseas Filipino Workers (OFW), na pinaghihinalaang ng BI na may maling gawain o pagkakasangkot sa mga kriminal na aktibidad.

Iminungkahi rin ni Rep. Magsino ang polisiya na dapat ay ma-reimburse ang travel expenses ng mga pasaherong na-defer ang flights nang walang court order at sapat na batayan. Sa kasabay na panawagan ng mga senador, ito ay nagresulta sa pagkakaroon ng isang Special Provision sa budget ng BI sa GAA 2024, na nagbigay-awtoridad sa paggamit ng balanse ng koleksyon ng BI mula sa special lane fees at charges.



Noong 2022, 32,404 ang mga pasaherong na-offload subalit isang porsyento lamang nito ang kumpirmadong biktima o sangkot sa human trafficking.

Sa taong ito, sabi ng DOJ na sila ay magsusumite ng datos sa OFW Party List ukol sa offloaded passengers matapos humingi ni Rep. Magsino ng pinakabagong mga datos.



Sinabi rin ng DOJ sa pamamagitan ng kanilang sponsor na si Committee on Appropriations Vice Chairperson Jil Bongalon na hindi pa ipinapatupad ang JMC 2024-001.

“Gusto nating malaman kung kailan maipapatupad ang guidelines ng JMC 2024-001 dahil mahalaga ito para sa mga apektadong pasahero na naghihintay ng malinaw na hakbang para sa kanilang reimbursement. Kailangang tiyakin na maipapatupad ito sa lalong madaling panahon upang masiguro ang kanilang karapatan at maibsan ang kanilang gastusin,” ani Rep. Magsino.



Nagbigay rin ng rekomendasyon si Rep. Magsino sa BI, DBM, at COA hinggil sa draft ng mga alituntunin. Ayon sa Special Provision, ang natitirang 11% ng koleksyon ay dapat i-remit sa National Treasury bilang general fund. Klinaripika rin niya kung bakit ang kabuuang halaga lamang ng departure ticket ang ire-reimburse at kung bakit umaabot ng 75 araw ang reimbursement process, na aniya’y napakahaba para sa mga apektadong pasahero.

“Paano naman ang mga nagastos sa pagkain o tirahan kung napilitan ding gumastos ang pasahero dahil sa pagkakaantala ng flight? Madalas napipilitang gumastos ang mga pasahero, lalo na ang mga OFWs, para sa dagdag na pagkain, tirahan, at iba pang pangangailangan habang naghihintay ng bagong flight. Hindi natin dapat balewalain ito dahil dagdag na pasanin ito sa mga pasahero. Dapat kilalanin ng mga patakaran ang kabuuang epekto ng flight deferment at maglaan ng reimbursement para sa lahat ng lehitimong gastusin,” ani Rep. Magsino.

Dagdag ni Rep. Magsino, kinikilala niya ang mandato ng BI na labanan ang human trafficking at illegal recruitment sa bansa. Gayunpaman, kinakailangan din ating ipakita ang malasakit sa mga kababayan, lalo na sa ating mga OFWs, na naapektuhan ng maling offloading.

“Nauunawaan natin ang hirap at sakripisyo na pinagdaraanan ng offloaded passengers, lalo ng OFWs, kapag sila’y hindi pinayagang makapalipad nang walang court order o dahil sa maling batayan. Kaya’t nararapat lamang na maibalik sa kanila ang kanilang travel expenses upang kahit paano’y maibsan ang bigat ng kanilang sitwasyon.” komento ni Rep. Magsino. (Cesar Barquilla)