Nasaan ang multi-milyong flood control projects? Matinding pagbaha sa Marikina 2nd District sinisi kay Quimbo
Advertisers
UMAALMA ang mga residente ng Distrito Dos ng Marikina City kung bakit nakararanas sila ng matinding pagbaha, sa kabila ng milyun-milyong pisong flood control projects ni 2nd District Rep. Stella Quimbo
Ngayon, sinisingil ng mga residente si Quimbo kung saan napunta ang napakalaking budget para sa mga flood control project.
Ayon sa Facebook video post ng isang netizen, napakaraming flood control projects sa 2nd District ang nakalista sa pangalan ni Quimbo.
Kung susumahin, nasa mahigit kalahating bilyong piso ang halaga ng flood control projects ang nakalaan para sa siyudad ng Marikina.
Nagtataka ang mga ka-distrito ni Quimbo kung bakit sila binabaha kahit napakaraming proyekto ang nasa ilalim ng mambabatas.
“Pansin ko lang po, Dati di naman binabaha sa District 2. San na po kaya flood control projects nito?” tanong ng isang netizen.
Umani rin ng batikos si Quimbo sa video post ng Marikina’s Patok Socialist Union kung saan makikita ang matinding pagbaha sa Liwasang Kalayaan malapit sa East Drive.
“Si Stella talaga dapat ang sisihin dito kung bakit laging binabaha diyan,” komento ng isang netizen sa post..
“Saan na ba kasi napunta yung budget para sa flood control project para dito,” tanong naman ng isang Facebook user.
Pati mga taga-Cainta ay naglabas na rin ng sama ng loob kay Quimbo dahill pati sila ay nakaranas na ng matinding pagbaha dahil sa ipinagawang pumping station ng mambabatas.
“Sabagay, sa dinami-daming proyekto kuno ni Quimbo na flood control projects, yung pumping projects na naging Proyekto de Perwisyo sa taga-Cainta at taga-Mayamot,” ayon sa isang netizen.
Napabalita na isang concerned citizen ang naghain ng reklamo sa Office of the Ombudsman laban kay Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo dahil sa maluho itong pamumuhay.
Ang reklamo, na may docket na TN-C-24-1087-E, ay ni-refer na kay Caroline de Leon, officer in charge ng Central Records Division ng Office of the Ombudsman.
Isinampa ang reklamo kasunod ng panawagan ni dating presidential spokesperson at legal counsel Salvador Panelo sa Office of the Ombudsman na imbestigahan ang “unexplained wealth” ni Quimbo.
“Lumabas iyong kanyang mga mamahaling damit, sapatos, bag na bigla na lang lumutang noong siya’y maging kongresista,” sabi ni Panelo.
Kinuwestiyon naman ni Manila Times columnist Rigoberto Tiglao, na dati ring presidential spokesperson, ang kakayahan ni Quimbo na tustusan ang kanyang maluhong pamumuhay.
Sa taya ni Tiglao, aabot sa halos P100 milyon ang branded bags ng mambabatas, gaya ng Chanel, Dior, Goyard, at Birkin, ang kanyang mamahaling relo gaya ng Patek Philippe at Rolex, at kuwintas na Cartier.
Nagtataka si Tiglao kung saan nakuha ni Quimbo ang pera para masuportahan ang maluho niyang pamumuhay, lalo’t isa lang siyang ordinaryong guro bago nagging mambabatas.