Advertisers

Advertisers

Gen. Quesada, kaladkad ng mga aktibong pulis sa koleksyon ng tongpats?

0 24

Advertisers

Marapat lang na paimbestigahan ni Police Regional Office MIMAROPA regional director PBGen Roger Quesada at Oriental Mindoro provincial director PCol Edison Revita ang ilang miyembro ng Philippine National Police (PNP) na kumakaladkad sa kanilang mga pangalan para kumolekta ng “protection money” mula sa mga iligalista sa lalawigan ni Oriental Mindoro Governor Humerlito “Bonz” Dolor.

Ayon sa ulat, ginagamit ng diumanoy mga aktibong pulis na may bansag na ‘Sarhento Raymond, Guco, Leynes, Hernandez at Nonoy’ ang pangalan ni Quesada at Revita, para umikot at manghingi ng “goodwill” at “weekly payola” sa mga sugal lupa tulad ng pergalan (perya-sugalan) na diumanoy kakupetensya ng STL cum jueteng sa labing apat na bayan at isang siyudad sa nasabing lalawigan sa pangakong hindi mapeperwisyo ang kanilang operasyon.

Sa idinaos kamakailan na programa ng PRO MIMAROPA para sa Kapulisan, Simbahan at Pamayanan (KASIMBAYANAN), iginiit ni Quesada na hindi niya kukunsintihin ang sinumang pulis na sisirain ang imahe ng pulisya, partikular ang mga sangkot sa ilegal na droga, sugalan at iba pang ilegal na gawain.



Kung totoo ito bakit patuloy na nakakatanggap ng reklamo ang pitak na ito mula sa ilang concerned citizens patungkol sa umanoy pananahimik at pagbulagbulagan ng ilang pinagkakatiwalaang opisyal ng kapulisan sa silangang Mindoro sa pamamayagpag ng operasyon ng “color games, beto-bito at drop ball” maging ang STL cum jueteng na dalawang beses ang bolahan sa isang araw, alas-12:00 ng tanghali at alas-8:00 ng gabi.

Hiniling din ng ilang concerned citizen kina PNP Chief Rommel Francisco Marbil at DILG Secretary Jonvic Remulla ang pagtutok sa nasabing suliranin sa nasabi lalawigan dahil bukod sa mga salot na sugal sunod-sunod na rin ang insidente ng patayan, nakawan ng motorsiklo, droga, riding-in-tandem, at mga bukas kotse gang.



Sa impormasyon na natanggap ng BALYADOR, balewala ang naunang programa ng PNP na ‘Internal Cleansing’ at “No Take” Policy na nagbabawal sa mga opisyal ng kapulisan na tumanggap ng pabor (financial favor/payola) mula sa ilegal partikular na sa illegal gambling.

Anila, walang sira ulong nilalang ang maniniwalang walang “pakinabang” o “nakukuha” dito sina Col Revita at Gen. Quesada gayong bukambibig ng mga kolektong sa mga operator ng sugal ang kanilang mga pangalan.



Dahil dito, nagsisilbing malaking hamon kay Col Revita at Gen. Quesada ang pagsugpo sa pergalan (perya-sugalan) at STL cum jueteng para ipakita nila sa kanilang mga nasasakupan na hindi totoo ang kanilang hinala at pagdududa na kasama sila sa mga na kikinabang sa gambling operation na matagal ng tamalak sa naturang probinsya.

Makabubuti, ayon sa mga taga Oriental Mindoro kung totohanin nina Quesada at Revita na mapatitigil ng tuluyan ang mga untouchable na iligal na sugal na matatagpuan sa bayan ng Victoria, Baco, Naujan, Puerto Galera, San Teodoro, Socorro, Pola, Pinamalayan, Bansud, Bongabong, Mansalay, Gloria, Roxas, Bulalacao at Calapan City.

May karugtong pa kaya wag bibitiw!

***

Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0939-7177977 at 0936-8625001 o di kaya mag-email banderapilipino@yahoo.com/balyador69@gmail.com.