Advertisers

Advertisers

8 oras duty ng pulis, pinag-aaralan ni Torre

0 39

Advertisers

Pinag-aaralan ni bagong PNP Chief PGen. Nicolas Torre III na paikliin ang oras ng duty ng mga pulis, lalo na sa mga lansangan at komunidad.



Ayon kay Torre, ikinokonsidera niyang gawing walong oras na lang ang shift ng mga pulis na nakatalaga sa mga lansangan at komunidad, kumpara sa kasalukuyang 12-oras na duty na umiiral pa rin sa ngayon.

Paliwanag ni Torre, layunin ng mas maikling oras ng duty na masigurong may sapat na pahinga ang mga pulis para manatiling handa sa anumang insidente, lalo na sa urban centers ng Metro Manila.

Dagdag pa ni Torre, personal siyang magmo-monitor sa radyo upang masiguro na hindi nakakatulog ang mga pulis sa kanilang mga mobile car o community precinct habang naka-duty.

Matatandaang una nang inihayag ni Torre na target niyang ipatupad ang “three-minute response time” sa lahat ng lungsod sa buong bansa.

Samantala, sinabi rin ni Torre na tatanggalin na niya ang mga Police Community Precint na hindi aktibo o walang naiiwang pulis. Aniya, mas kailangan ang mga pulis sa lansangan at hindi sa PCP na nagiging tambayan at pahingahan ng mga pulis.

“Paiiralin natin ang city that never sleeps”, dagdag pa ni Torre.(Almar Danguilan)