Advertisers

Advertisers

Ilang senador nakatanggap ng kopya ng draft resolution na nagpapa-dismiss sa impeachment case vs VP Sara

0 26

Advertisers

KINUMPIRMA ni Senador Imee Marcos na may ilang draft resolution na layuning ibasura ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Sinabi ni Marcos na nakakita siya ng ilang bersyon ng draft resolutions ngunit nilinaw niya na wala pang pinal.

“One of the many drafts, na iba-iba ang pakay — parang pangatlo yan sa nakita ko, maraming versions, lahat ay naghahanap ng pinakamabisa at pinaka naaayon sa batas na solusyon, yung walang butas,” wika ni Marcos sa mga mamamahayag.



Ayon kay Senator-Elect Panfilo Lacson, isang hukom sa impeachment trial ng noo’y Supreme Court Chief Justice Renato Corona na nakatanggap siya ng kopya ng draft resolution, na aniya ay ipinapasa sa mga senador.

“If it gets enough signatures, it can be debated upon and possibly adopted if it has the support of the majority,” ani Lacson.



Itinanggi naman ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang umano’y umuugong na resolusyon ng Senado na nagbabasura sa kasong impeachment laban kay VP Sara.

“As of last night there is no such filed or pending resolution,” wika ni Escudero.



Kalaunan, sinabi ni Escudero na ang diumano’y dokumento ay “scrap of paper” lamang maliban kung ihain sa Senado.

“Ano mang kumakalat na resolusyon na wala namang author na pinakita lang din naman sa akin ng media ay ika nga mere scrap of paper unless may mag-file niyan, unless may mag-author niyan, unless pagdebatihan ‘yan, at unless pagbotohan ‘yan,” paliwanag ng Senate chief.

“As of last night, even this morning tinanong ko dahil sa katanungan ng mga media wala pong ganyang uri o parehong resolusyon na finile o inihain sa Senado sa ngayon. Kaya wala kaming aaksuynang resolusyon pareho o kaugnay o malapit sa lumalabas ngayon,” dagdag pa niya.

Binanggit din ni Senate Secretary Renato Bantug Jr. na walang ganoong panukala ang naihain sa Senate Bills and Index.

“I just had it checked sa Bills and Index, wala naman daw ganyang resolution,” ani Bantug.

Sinabi naman ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III na posibleng peke ang umano’y resolusyon na kumakalat sa social media.

“Flawed logic. Big chance not authentic. Even quotation of the constitutional provision is not accurate,” wika ni Pimentel.

Samantala, sinabi naman nina Senators Risa Hontiveros at Cynthia Villar ay hindi pa umano nila nakikita ang nabanggit na resolusyon.

“Wala pa akong nakikitang ganoon,” ani Hontiveros.

Saad naman ni Villar, “Wala.”

Tumanggi namang magkomento si Sen. Bong Go habang ibinalik naman ni Sen. Bato dela Rosa ang tanong ng media sa kaniya.

“Meron ba?” saad ni Dela Rosa. (Mylene Alfonso)