Advertisers
ISA sa mga akusado sa kaso ng 34 nawawalang sabungero ang lumantad at nagsabing patay na ang mga biktima.
Lumantad si alyas “Tonton” na isa sa mga suspek sa kaso, at sinabing handa siyang tumulong sa mga pamilya ng mga biktima para makamit ang hustisya.
Bagama’t hindi niya diretsong sinabi na patay na ang mga biktima, iginiit niyang “malabo nang buhay pa sila.”
Ayon kay Tonton, ang mga sabungero ay pinaslang at itinapon sa Taal Lake, kasama ang iba pang biktima gaya ng isang drug lord.
“Paano mabubuhay ‘yan eh nakabaon na ‘yan du’n sa Taal Lake. Lahat ‘yan. Kung huhukayin ‘yun, mga buto buto, paano natin makilala ang mga ‘yun? ‘Di lang missing sabungero ang mga ‘yun, may iba pang tinatapon du’n, pati drug lords,” ani Tonton.
Sa kanyang salaysay, ikinuwento niyang sinakal ang mga biktima gamit ang tie wire at isinakay sa van nang mahuling nandaraya sa sabungan. Mahigit 100 katao aniya ang napatay, hindi lang ang 34 sabungeros.
Sinusuri ngayon ng Department of Justice (DOJ) ang kanyang testimonya upang tiyaking tugma ito sa ibang ebidensya.
Pahayag ng DOJ, malapit nang matapos ang kaso. Tiniyak din ng PNP at National Bureau of Investigation (NBI) na poprotektahan nila si Tonton bilang testigo.