Advertisers
UMAPELA si Senador Alan Peter Cayetano sa mga digital payment platform na itigil na ang pagpapagamit ng kanilang serbisyo sa online gambling.
“Konting advice sa mga e-wallets: Tumulong kayo sa bayan. Huwag n’yo nang ipagamit ang inyong platform sa pagsusugal,” pahayag ni Cayetano sa kanyang Facebook livestream nitong Hulyo 7.
“Huwag n’yo nang hintayin ang guidelines – kayo na kumilos. Tutal most of you, ang laki naman ng kinikita ng negosyo n’yo,” ayon sa senador.
Binalaan din ni Cayetano ang publiko na sa sugal na aniya’y tanging ang operator lang ang tunay na nananalo.
Kilala si Cayetano bilang isa sa mga leader na tumututol sa lahat ng uri ng sugal, simula pa noong konsehal siya ng City of Taguig kung saan matagumpay niyang hinarang ang pagpasok ng mga casino at gambling establishments doon.
Bilang senador, makailang beses rin siyang naghain ng mga panukalang batas na magbabawal sa lahat ng uri ng sugal, lalo na ang online gambling. Ngayong 20th Congress, inihain niya ang Anti-Online Gambling Advertisement Act of 2025 na magbabawal sa anumang uri ng online gambling promotion sa TV, radyo, dyaryo, social media, at billboard.
Katuwang ito ng panukalang Ban on Online Gambling Act kung saan co-author siya ng kapatid na si Senator Pia Cayetano, para ipatigil ang lahat ng online gambling — lokal man o dayuhan.
Sa kanyang livestream, muling iginiit ni Senator Alan ang paninindigan niyang gamitin ang kanyang plataporma sa Senado para labanan ang mga nakalululong at mapanirang gawain, gaano man ito kapopular o ka-impluwensya.
Nagpasalamat din ang senador sa mga miyembro ng media sa pagbibigay-pansin sa mga unang panukalang batas ng mga senador para sa 20th Congress.
Pinasalamatan din niya ang publiko para sa aniya’y aktibo nilang pakikilahok sa mga usaping pambansa, lalo na ang kanyang online community na masusi aniyang sumusubaybay sa mga panukalang batas.
Bilang chair ng Senate Blue Ribbon Committee, nangako si Cayetano na gagamitin niya ang kapangyarihang pang-oversight ng Senado upang tiyaking hindi mababasura o mapapalambot ang mga batas na may tunay na layuning magprotekta sa bayan. (Mylene Alfonso)