Advertisers

Advertisers

VOTER AT TAXPAYER MAARING KUMUWESTYON SA PAG-UPO NG MISIS NI SPKR. ROMUALDEZ SA IKA-4 TERMINO SA KAMARA’

0 28

Advertisers

HINDI lamang political opponents, kundi kahit sinumang registered voter o taxpayer ay maaring dumulog sa Korte Suprema o sa House Representatives Electoral Tribunal (HRET) para kuwestiyunin ang kontrobersiyal na pag-upo ni Tingog parylist Representative Yedda Romualdez sa Kamara sa ikaapat nang termino.

Ayon kay election lawyer Romulo Macalintal, mahalagang mabigyan ng resolusyon ang pag-upo ni Yedda Romualdez sa ika-apat na niyang termino bilang miyembro ng House of Representatives dahil magiging “precedent” na ito.

“Kung walang kukuwestiyon dito at mapapayagan lang, lalabas na pwedeng magpalit ang mga Congressman sa District representative tapos partylist representative naman” paliwanag ni Macalintal.
Kontrobersiyal ang pag-upo ni Yedda dahil kahit ika-6 na nominee siya ng Tingog Partylist ay siya ang nahirang na umupo sa third seat ng partylist sa Kamara, matapos sabay-sabay na nag-resign ang kanilang 3rd, 4th at 5th nominees.



Ang Tingog ay nakakuha ng 3 congressional seats sa nakalipas na eleksyon, uupo bilang congressman ng partido sina Andrew Romualdez, panganay na anak ng mag-asawang Romualdez, Rep. Jude Acidre at si Yedda.

Bukod dito, ika-apat na termino na ni Yedda sa Kamara, isang paglabag sa Article VI ng Konstitusyon, na malinaw na nagtatakda na 3 consecutive terms lamang dapat maupo ang isang congressman.



Si Yedda ay naka-3 magkakasunod na termino bilang kongresista, bilang Leyte District Representative noong 2016 – 2019, at Tingog representative mula 2019 – 2022, at 2022 – 2025.

Ipinaliwanag ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia na “grey area” ang probisyon ukol sa 3 consecutive terms, depensa nito, pinayagan ng Comelec ang pag-upo ni Yedda dahil magkaiba ang kanyang “constituents” sa kanyang 3 termino.



Ang una ay sa district at ang dalawang termino ay partylist kaya hindi ito masasabing “three consecutive terms” dahil magkaiba ang constituents.

Ipinaliwanag ni Macalintal na ang interpretasyon sa “3 consecutive terms” ay 3 beses na naging miyembro ng Kamara, malinaw aniya na pasok dito si Yedda dahil 3 beses itong gumanap bilang miyembro ng House at malinaw ang intensyon ng batas na limitahan ang termino.

Sinabi ni Macalintal na tanging ang Kataas-taasang hukuman lamang ang makakapigil sa pag-upo ni Yedda kung magpapalabas ito ng Temporary Restraining Order (TRO).

Sa tanong kung paano ang magiging hakbang, sinabi ni Macalintal na maaaring dumulog sa SC at maghain ng ‘petition for certiorari’ na kukuwestiyon sa desisyon ng Comelec na iprinoklama si Yedda o sa HRET sa pamamagitan ng ‘petition for quo warranto’ kungsaan kukuwestiyunin ang kuwalipikasyon ni Yedda.

Pinaalala ni Macalintal na may prescriptive period sa paghahain ng reklamo, sa SC ay 30 days mula nang ibaba ng Comelec ang desisyon na nagpoproklama kay Yedda, habang 15 days upon assumption of duty sa HRET.

Aminado si Macalintal na kung walang haharang sa nasabing isyu ay ganito na ang magiging sistema sa hinaharap kungsaan maaaring magpalit ang mga congressman bilang district representative at partylist representative para makapanatili sa pwesto at makaiwas sa 3 consecutives term limitation.