Advertisers

DETERMINADO si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Nicolas Torre III na maipatupad hindi lamang sa Metro Manila kundi sa buong bansa ang polisiya na “5-minute police response”- ang karaniwang oras ng pagtugon o pagresponde ng mga pulis sa lugar ng isang insidente, emergency at krimen matapos makatanggap ng tawag mula sa mga taong humihingi ng police assistance.
Ngunit kung ang mga hepe ng kapulisan ay tulad ng mga nanunungkulan sa siyudad ng Tanauan, mga bayan ng Lemery at Bauan at ilan pang mga police station sa lalawigan ni Batangas Governor Vilma Santos-Recto ay tiyak na hindi magtatagumpay ang magandang layunin ng PNP Director General.
Halos gabi-gabing kaguluhan na bunsod ng dayaan sa mga pasugalan, rambol sa pagitan ng mga bangag sa droga na mananaya sa sugal at mga bayarang goon ng mga gambling operator at higit sa lahat ay garapalang pagtutulak ng droga ang iniuulat na pangkaraniwang nangyayari sa Brgy. Darasa, Tanauan City at sa gambling den na malapit sa palengke ng Poblacion Lemery, mga barangay ng San Roque, San Agustin at Sta. Maria, na pawang sa bayan ng Bauan.
Ang nakakadismaya, ay walang nagrespondeng mga miyembro ng Tanauan City Police, Lemery Municipal Police at Bauan Municipal Police, at wala ding naitalang “unusual incidents” sa police blotter ang pulisya ng mga naturang siyudad at munisipalidad.
Ang mga nagmamalasakit nating KASIKRETA mismo ang nagpapatunay na tumawag sila sa telepono ng Tanauan City Police, mga himpilan ng pulisya ng Lemery at Bauan sa magkakahiwalay na insidente ng nakaraang isang linggo.
Iniulat ng isang impormante sa SIKRETA na kalimitang may nagaganap na kaguluhan sa mga pasugalan ng color games, beto-beto, sakla at iba pang table/card games sa mga kunwari ay tradisyunal na peryahan sa Brgy. Darasa ng siyudad ni Tanauan City Mayor Sonny Collantes, sa malapit sa palengke ng Poblacion Lemery sa bayan ni Lemery Mayor Ian Kenneth Alilio at mga barangay ng San Agustin, San Roque at Sta. Maria sa munisipalidad ni Bauan Mayor Wendah Katrina R. Dolor.
Bagama’t may sumasagot sa linya ng telepono ng mga naturang police station ay wala namang nagrerespondeng mga tauhan ni Tanauan City Police OIC Police Chief LtCol. Ian C. Binucal. Nauwi sa pananakit ang naturang gulo sa pagitan ng mga bangag na kabataang mananaya sa color games at beto-beto laban sa mga “bugoy” na nag-ooperate ng peryahan malapit lamang sa barangay hall ng Darasa.
Sa pagsasaliksik ng ating mga KASIKRETA walang naitala sa police blotter ng Tanauan City Police hinggil sa naganap na insidente. Nagduda tuloy ang ating mga KASIKRETA na pinagtatakpan ng ilang mga pulis ang naganap na kaguluhan sa naturang pasugalan.
Ipinarating din ng ating mga KASIKRETA ang kawalang aksyon ng mga kagawad ng Lemery Police sa naganap na batuhan sa pagitan ng mga bangag na magsusugal sa pergalan laban sa mga “bugoy” ng naturang pergalan (peryahan na pulos sugalan.)
Itinuturing na mapanganib na lugar ang peryahan con sugalan ng isang Alyas Arnel Bangag na nasa di kalayuan ng Public Market ng Lemery pagkat lantaran doon ang bentahan ng shabu sa tuwing malakasan ang tayaan sa madadayang mga table at card game.
Ngunit ang nakapagtataka ay walang aksyon laban sa mga nagaganap na karahasan doon sina Lemery Mayor Ian Kenneth Alilio at ang kanyang Police Chief na si LtCol. Merlin Pineda.
Sa bayan ng Bauan ay halos gabi-gabi ring inirereklamo ang pagkakaroon ng gulo dahil sa nabibistong pagdadaya ng mga “poste at batos” ng operator ng mga color games, beto-beto at cara y cruz (Tao-IBon) sa mga pasugalang naipatayo malapit lamang sa mga barangay hall ng San Agustin, San Roque at Sta. Maria, ngunit kahit ilang ulit ng nakatawag sa tanggapan ng Bauan Police ay wala namang nagrerespondeng tauhan ni Bauan Police Chief LtCol. Carlito Valdez?
Marami pang ibat ibang insidente ang hindi natutugunan sa iba’t ibang mga bayan at siyudad sa lalawigan ng Batangas sa kabila ng pagpapatupad ng mabilis na pagresponde ng kapulisan batay sa inilunsad 5-minute police response ni PNP Chief Gen. Torre III.
Hindi lamang ang talamak na operasyon ng pergalan kundi ang mas malala pa ay ang lalong naging lantarang operasyon ng Small Town Lottery con jueteng o bookies ng magkasosyong alyas Marasigan at alyas Gardiola ang di napa aaksyunan ni Batangas OIC PNP Provincial Director Col. Giovany Emerick Sibalo.
Sina alyas Marasigan at alyas Gardiola ay kapwa lokal na pulitiko na nagtatag ng may 50-kataong armadong sibilyan kontra bookies operation noong July 2024, ngunit nang lumaon ay sila na rin mismo ang nag-operate ng ipinagbabawal na 1-40 STL bookies sa buong lalawigan matapos na maagaw nila ang operasyon ng naturang ilegal sa tulong ng mga kasabwat ng mga itong gambling militia.
***
Para sa komento: Cp.No. 0966 406 6144