Advertisers

Advertisers

PAUNLARIN ANG COAST GUARD

0 14

Advertisers

KUNG magagawi kayo sa Port Area sa Manila, partikular sa likod ng katangi-tanging Manila Hotel, matatagpuan ninyo ang punong himpilan (headquarter) ng Philippine Coast Guard (PCG). Wala sanang problema sa HQ ng PCG, ngunit nakakaawa ang kalagayan ng punong himpilan ng PCG.

Masyadong maliit ang gusali ng PCG upang umasikaso sa mahigit sa 24,000 kawani ng sangay ng gobyerno na ang tanging tungkulin ay subaybayan at bantayan ang mga baybay-dagat ng ating bansa. Bukod dito, masyadong maliit ang pantalan upang komportableng madaong ang mga sasakyang dagat ng PCG sa panahon na hindi ito naglalayag sa karagatan ng Filipinas.

May mga pagkakataon na kapag may dayong barko ang dumaong sa bansa, kailangan umalis ang mga sasakyang pandagat ng PCG upang magbigay daan sa mga dayong barko ng ibang bansa sa pantalan ng PCG. Bagaman mahaba at malawak ang ating baybay-dagat, hindi sapat ang suporta ng pamahalaan sa PCG.

Hindi lang iyan. Sa panahon na pinapasok ng China ang ating dalampasigan upang kamkamin ang ating teritoryo at palabasin sa buong mundo na pag-aari nila ang malaking bahagi ng ating karagatan, hindi natin pinopondohan at sinusuportahan ang PCG.

Dahil sa katampalasan at kawalan ng paggalang ng China sa ating karagatan at teritoryo, marapat lang na pansinin kung paano sila lalabanan at kokontrahin. Pinakamabisa na palakasin natin ang kakayahan ng PCG upang mapangalagaan ang ating baybay dagat na nais kunin ng China.

Mayroon modernization program ang PCG. May apat na bahagi ang modernization program na ang pangunahing layunin ay paunlarin ang PCG upang maging angkop sa makabagong panahon. Hindi natin iniiwan sa Estados Unidos ang pagpapalakas ng ating tanggulang bansa. Kailangan natin gumastos sa pagtatanggol sa sarili.

Hindi natin puedeng iwan sa Estados Unidos ang tungkulin na bantayan ang West Philippine Sea (WPS). Kailangan nating kumilos at ipakita sa buong mundo na handa tayong tustusan ang tungkulin na ipagtanggol ang sarili kontra China.

Mas tumining ito kamakailan nang nagbanggaan ang dalawang sasakyang pandagat ng China na ang layunin ay tugisin at tinangkang banggain ang sasakyang pandagat ng PCG. Mas magaling lang mga Filipinong tripulante na lulan ng PCG vessel na nagmaniobra upang umiwas at nagbanggan ang mga sasakyang pandagat ng China.

Ayon kay Com. Jay Tarriela, PCG spokesman on isyu ng WPS, palagi ang mga sasakyang pandagat ng mga Intsik malapit sa ating mga dalampasigan. Layunin nila na palabasin na normal ang kanilang pananatili sa ating baybay-dagat dahil “pag-aari nila ang ilang bahagi ng ating karagatan.” Katatawanan ito.

Hindi totoo ito at wala itong batayan sa kasaysayan at international law. Ang dumating sa bansa ay mga piratang Intsik na pinatay ang ating kalalakihan, ginahasa ang ating kababaihan, at ninakaw ang mga bata upang ibenta bilang alipin sa ilang bahagi ng mundo.

Dahil nagsimula na ang budget season kung saan tinatalakay ng Kongreso ang panukalang pambansang budget na P6.8 trilyon sa 2026, maiging pumagitna ang mga tagapagtaguyod ng modernization program ng PCG at hayagang kunin ang suporta ng mga mambabatas sa napapanahong programa.

Kailangan lakihan ang budget ng PCG na nagbabantay ng ating baybay-dagat sa harap ng WPS kung saan nagtipon ang mga sasakyang pandagat ng Chinese militia, Chinese Coast Guard, at Chinese Navy. Kailangan ipasa ng Kongreso ang PCG modernization program na hangad ang pagkakaroon ng mga makabagong sasakyang pandagat at bagong punong himpilan para sa PCG.

Sa Camara de Representantes, isinumite ni Kin. Leody Tarriela ng Mindoro Occidental nuong 2022 ang isang panukalang batas upang paunlarin ang PCG. Inaasahan isusumite niya uli ito sa sandaling maayos ng Camara ang sarili para sa ika-20 Kongreso. May mga ilang senador ang nagpanukala ng iba’t ibang bersyon sa Senado bagaman iisa ang hangarin ng kanilang panukalang batas – ang paunlarin ang PCG sa makabagong panahon.

Aa pangkalahatan, nakapokus ang mga panukalang batas sa pagpapaunlad ng organisasyon ng PCG, dagdagan ang tauhan ng PCG sa 100,000 sa susunod na sampung taon, palawigin ang doktrina ng PCG sa pagbabantay ng mga dalampasigan ng bansa, at pagkalap ng mga makabagong sasakyang pandagat para sa PCG.

Ayon kay Tarriela, kasama rin sa modernization program ng PCG ang pagkalap ng mga sasakyang pandagat mula sa donasyon ng mga bansang tulad ng Estados Unidos, Japon, Korea, Francia, Alemanya, Australia, at iba pa. Hindi siya nagbigay ng mga detalye.