Advertisers
NGAYONG naiipit na si dating DPWH Bulacan Engineer Henry Alcantara sa nabunyag na mga katiwalian sa multi-billion flood control projects sa Bulacan, makabubuti na ikanta o idamay niya na ang mga politiko at iba pang opisyal ng public works na may kinalaman sa mga palpak at multong imprastraktura sa lalawigan.
Si Alcantara ay tinanggal sa serbisyo at nahaharap sa kasong administratibo matapos niyang aminin sa mga pagdinig ng Senado at Kamara ukol sa flood control scam.
Sinabi ng bagong DPWH Secretary, Vince Dizon, lahat ng pumirma sa mga palpak at multong flood control projects ay sisibakin sa puwesto at kakasuhan ng administraibo at kriminal. Dapat lang!
Pero naniniwala tayo, mga pare’t mare, na may ilang politiko sa Bulacan ang nakinabang sa mga depektibong multi-billion projects sa lalawigan.
Partikular kong tinutumbok dito ang kongresista at senador, ang may isponsor sa pondo at nagpagawa sa proyekto. Sabi nga: ang district engineer ay utusan lang ng kongresista o ng senador. Kaya tiyak na malaki ang KICKBACK nila sa pondo ng proyekto, dahilan para palpak o hindi natapos o wala talagang ginawa ang inatasang district engineer na ubod din ng sakim sa pera.
Kaya kung ako kay Engr. Alcantara, ikakanta ko na ang politiko na kumamal ng daang milyones sa multi-billion flood control projects. Hindi ako papayag na ako lang ang mananagot o makukulong. Mismo!
***
NIRESBAKAN ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro si Senador Joel Villanueva ukol sa mga birada ng huli sa iregularidad sa flood control projects.
Pilit kasing umiiwas si Villanueva sa isyu gayung may mga lumalabas na video nila ni Engr. Henry Alcantara na kanya pa itong pinupuri at pinasasalamatan.
Kinuwestiyon kasi ng senador kung bakit siya lamang ang nadadawit sa naturang isyu.
Pilit niyang itinanggi na mayroon siyang ini-lobby na proyekto sa DPWH, ngunit sa isang throwback video ng talumpati ni Alcantara noong 2021, inamin niya na kinulit umano siya ng senador para sa Bambang Bridge project sa Baliuag, Bulacan na nagkakahalaga ng P68.84 million.
“May kinalaman ka Senator Villanueva sa budget…You’re dealing with him. Paano pa makakaila ito?…He was talking about the budget so how can you deny na hindi mo siya ka-deal?” bira ni Castro sa senador.
“Hugas kamay na agad…malamang kasi alam na niya na may mangyayari because of Henry Alcantara…Una talagang bumulaga (sa imbestigasyon) Bulacan eh,” diin ni Castro.
***
Sa isang survey para sa 2028 election, sinasabing ang gitgitan na maglalaban sa pagkapangulo ay sina Vice President Sara Duterte-Carpio at Pasig City Mayor Vico Sotto.
Malaki raw ang posibilidad na talunin ni Vico si Sara.
Pero si Vico ay hindi pa puede ang edad para kumandidatong pangulo sa 2028. Dapat ay 40 anyos, ayon sa ating Saligang Batas.
Kaya isinusulong ngayon sa Senado na babaan sa 35 ang puede kumandidatong pangulo.
Aprub tayo kay Vico!