Advertisers
LEADING man vibes si Daniel Padilla nang personal niyang tanggapin ang Outstanding Asian Star award sa prestihiyosong Seoul Drama Awards 2025.
Ito ay ginanap sa KBS Hall sa Seoul, South Korea nitong October 2.
Sa video na ibinahagi ng Star Creatives, mapapanood ang pag-akyat ni Daniel sa entablado upang makuha ang kanyang award para sa naging papel niya bilang Andres Malvar a.k.a. Wolf sa action-drama series na “Incognito.”
Hindi rin nagpahuli ang kanyang acceptance speech na punong-puno ng pasasalamat.
“Mama, I made it. To all the fans, thank you for your continuous support and unwavering love. Kayo ang dahilan bakit ako nandito,” sey niya sa bahagi ng post.
Bukod sa kanyang pamilya, co-stars, crew ng “Incognito,” at ABS-CBN, hindi rin nakalimutan ni Daniel na magpasalamat sa Panginoon at syempre sa kanyang solid fans na walang sawang sumusuporta.
Samantala, hindi lang si DJ ang kumabog sa kategorya ngayong taon.
Kasama rin sa mga pinarangalan sina Kim Seon Ho (The Tyrant) at Jisoo (Newtopia) para sa South Korea, Sakaguchi Kentaro (What Comes After Love) para sa Japan, Bai Yu (Bank on Me) mula China, Film Rachanun Mahawan (Pluto) mula Thailand, at Anna Jobling (Dear Love) ng Malaysia.
First win ito para kay Daniel pero second nomination na niya sa naturang award.
Una siyang nominado noong 2023 para sa “2 Good 2 Be True” kasama ang dating ka-loveteam at ex-girlfriend na si Kathryn Bernardo, na nominado rin noon sa parehong kategorya.
Katatapos lang ng season one ng “Incognito” matapos ang anim na buwang airtime, pero aasahan na magkakaroon pa ito ng season two!
Bukod kay Padilla, powerhouse din ang cast ng “Incognito” kasama sina Richard Gutierrez, Ian Veneracion, Baron Geisler, Kaila Estrada, Maris Racal, at Anthony Jennings.
Matatandaang noong nakaraang taon, si Kim Chiu ang nag-uwi ng tropeyo para sa kanyang papel bilang Juliana Lualhati sa “Linlang.”