Advertisers
Ito ang maganda, mga pare’t mare…
Ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at ang Professional Regulation Commission (PRC) ay nagkaroon ng kasunduan na permanenteng tatanggalan ng professional licenses ang DPWH employees kapag napatunayang sangkot sa mga substandard at ghost projects.
Ang aksyong ito ay kasunod ng direktiba ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na tiyaking lahat ng public works projects sa buong bansa ay lehitimo, mataas ang kalidad at kapaki-pakinabang sa publiko.
Sabi ni Public Works Secretary Vince Dizon, ang partnership nia sa PRC ay isang napakakrusyal na hakbang tungo sa accountability at pagpakinis sa ahensiya, na natadtad ng korapsyon simula sa termino ni ex-President Rody Duterte.
“Kailangan magkaroon talaga ng malalim na working relationship ang DPWH at PRC para hindi lang mapanagot ang involved dito sa anomalya [substandard at flood control projects] para mapigilan pa na maulit ito sa mga susunod na taon,” sabi ni Dizon nang isagawa ang signing ceremony nila ni PRC Chair Charito Zamora.
“It’s not just about accountability, but it’s also about safeguarding the institutions and the projects that DPWH is doing from now moving forward,” dagdag ni Dizon na determinadong malinis ang ahensiya.
Hiniling din ni Dizon sa PRC na permanenteng bawiin ang mga lisensiya ni dating DPWH District Engineer Henry Alcantara at iba pang empleyado na sangkot sa mga iregularidad sa multibillion flood control projects sa Bulacan.
Samantala, kinumpirma ng Philippine Competition Commission (PCC) na natanggap na nito ang referrals mula sa DPWH tungkol sa posibleng anti-competitive conduct sa procurement ng flood control projects na kinasasangkutan ng ilang contractors at DPWH officials.
Ang mga entidad na iniimbestigahan ay kinabibilangan ng St. Timothy Construction Corp., Wawao Builders, IM Construction Corp., SYMS Construction Trading, at mga empleyado ng DPWH Bulacan 1st District Engineering Office, gayundin ang Sunwest, Inc. at mga opisyal ng DPWH Regional Office IV-B.
Ang Competition Enforcement Office (CEO) ng PCC ay kasalukuyan nang nagsasagawa ng preliminary inquiry sa umano’y bid-rigging at sabwatan, na suportado ng inspection reports, bid documents, at iba pang ebidensiya na ipinasa ng DPWH.
Sinabi ni CEO Director Christian Loren De Los Santos na ang Commission ay nangangalap ng karagdagang mga materyales, kabilang ang bid submissions at communication exchanges, para matuloy ang mga paglabag sa Philippine Competition Act (RA 10667).
Sa ilalim ng batas, ang entidad na mapatunayang ‘guilty’ sa anti-competitive agreements tulad ng bid-rigging ay mahaharap sa administrative fines ng hanggang P110 million para sa first offense, P110 million hanggang P275 million sa second, at P165 million hanggang P275 million sa katulad na paglabag. Ayos!