Advertisers

Advertisers

P.5m reward sa killer: SK chairman, utol patay; pulis sugatan sa ambush

Kicker: P.5m reward sa ‘killer’

0 32

Advertisers

Nasawi ang isang Sangguniang Kabataan (SK) chairman at kapatid nito, at sugatan ang isang pulis, nang pagbabarilin sa Jose Lim Street, Barangay Poblacion 5, Cotabato City nitong Sabado, Oktubre 4.

Sa ulat ni Col. Jibin Bongcayao, director ng Cotabato City Police Office, agad na namatay sa mga tama ng bala sanhi ng naturang pananambang si Prince Mohaz Rafsanjanie Matanog, SK chairman ng Barangay Poblacion 5 sa lungsod at third-year engineering student ng Cotabato State University.

Natamo rin ng tama ng bala sa katawan ang kapatid nitong si Muamar Salvador Matanog, na agad dinala ng mga emergency responders sa Cotabato Regional Medical Center nguni’t kalaunan binawian din ng buhay.



Sa report, sakay ang dalawang biktima ng isang kulay pula na Toyota Raize, patungo sa kung saan, nang tambangan ng mga armadong kalalakihan sa mataong intersection ng Sinsuat Avenue at Jose Lim, Sr. Street sa Cotabato City.

Nabaril at nasugatan din ng mga salarin ang isang on-duty na pulis na si Patrolman Norsaiden Laguiali, na nagresponde sa insidente.



Mabilis na nakatakas ang mga nag-ambush kina Matanog gamit mga motorsiklo. Ang pinangyarihan nang ambush ay hindi kalayuan sa Cotabato City Police Precinct 1.

Inatasan na ni Brig. Gen. Jaysen De Guzman, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, ang mga opisyal ng Cotabato City Police Office na makipag-ugnayan sa mga barangay officials sa lungsod at sa mga kamag-anak ng napaslang na si Matanog sa paglutas ng naturang krimen.



Samantala, nag-alok ng P500,000 cash reward ang local government unit sa Cotabato City sa sinumang makakatulong sa pagkilala ng mga responsable sa ambush.

Mismong si Mayor Bruce Dela Cruz Matabalao ang nag-anunsyo nitong Linggo, October 5, na naglaan siya ng P500,000 para sa sinumang makakapagturo sa pulisya sa mga responsable sa pananambang sa magkapatid na Matanog.

Agad na inilibing din nitong Sabado ng hapon ng mga kamag-anak ang napaslang na magkapatid sa isang lugar sa bayan ng Talayan sa Maguindanao del Sur, ayon sa tradisyong Islam na kailangang mailibing ang patay sa loob ng 24 oras mula pagpanaw.