Advertisers

Advertisers

ISKO, BINUKSAN UNANG EV CHARGING STATION SA MAYNILA!

0 21

Advertisers

Pormal nang pinasinayaan ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang kauna-unahang pampublikong istasyon ng pagkargang ng mga de-kuryenteng sasakyan (electric vehicle o EV) sa Manila City Hall, bilang bahagi ng pagsusulong ng lungsod sa mas malinis, makabago at abot-kayang transportasyon para sa mga residente at komyuter nitong Lunes.

Isinagawa ang ribbon-cutting ceremony sa Kartilya ng Katipunan, na nagpatibay sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila at ACMobility, ang sangay ng AC Enterprises Group na nakatuon sa imprastraktura para sa mga de-kuryenteng sasakyan.

Matatagpuan sa Manila City Hall ang charging station na may isang 30-kilowatt DC charger at isang 22-kilowatt AC charger, na nag-aalok ng mabilis at karaniwang paraan ng pagkarga ng baterya. Maaari itong gamitin ng sinumang may-ari ng de-kuryenteng sasakyan na walang sariling charging facility.



Ayon kay Domagoso, ipinakikita ng proyekto ang pangako ng pamahalaang lungsod na paghandaan ang mga pangangailangan sa hinaharap at makipagtulungan sa pribadong sektor upang matugunan ang mga bagong hamon sa transportasyon sa Maynila.

“Patunay ito na tinitingnan ng pamahalaan ang hinaharap at ang mga problemang maaaring dumating. Ngunit dahil kulang o limitado ang ating mga mapagkukunan, nakikipagtulungan tayo sa pribadong sektor,” pahayag ni Domagoso.



Sinabi rin ng alkalde na tutugunan ng bagong pasilidad ang isa sa mga pangunahing alalahanin ng mga may-ari ng EV, ang pangambang maubusan ng baterya habang bumibiyahe dahil sa kakulangan ng mga pampublikong charging station sa mga urban area.

“Hindi ka na kakabahan na baka mamaya, ma-traffic ako, wala akong charging station,” ani Domagoso.



Dagdag pa niya, hindi tulad ng mga charging station na matatagpuan sa mga pribadong establisimyento, bukas sa pangkalahatang publiko ang pasilidad sa Manila City Hall.

Sa kasalukuyan, nagpapatakbo ang ACMobility ng mahigit 200 lokasyon ng EV charging hubs at mahigit 600 charging points sa buong bansa. Plano rin nitong palawakin ang operasyon sa Maynila bago matapos ang 2026, sa pamamagitan ng pagtatayo ng karagdagang charging station sa Bagong Ospital ng Maynila at Sta. Ana Hospital.

Nagpasalamat si Domagoso sa pangkat ng ACMobility na dumalo sa seremonya at itinuring ang kanilang pakikipagtulungan bilang isang modelo kung paano maaaring magkaisa ang lokal na pamahalaan at pribadong sektor sa pagtatayo ng imprastrakturang susuporta sa paggamit ng mga de-kuryenteng sasakyan sa hinaharap.

Kasama ng alkalde sa pangunguna sa ribbon-cutting ceremony si Vice Mayor Angela Lei “Chi” Atienza at mga kinatawan ng ACMobility.(BP)