Advertisers

Advertisers

MULA KONGRESO, DIRETSO SA RING! KIKO BARZAGA, WAGI!

0 24

Advertisers

Mula sa Kongreso, sa boxing ring naman nagpakitang-gilas si dating Cavite 4th District Representative Kiko Barzaga nang magwagi sa kanyang exhibition fight kontra kay Tain Landrito sa Tagaytay Fight Night nitong Linggo, Oktubre 18, 2026.
Naganap ang tatlong-round na special lightweight bout sa Grand Ballroom ng Hotel Casiana I sa Tagaytay City, kung saan ipinamalas ni Barzaga ang kanyang mga punching combination na tinawag na “PAC-MEOW COMBO!”
Sa naturang exhibition fight, idineklarang panalo si Barzaga sa pamamagitan ng decision matapos ang kanilang palitan ng suntok sa loob ng ring.
Hindi naman lingid sa publiko ang interes ng dating kongresista sa combat sports. Ayon kay Barzaga, bago pa man siya pumasok sa pulitika, nakikilahok na siya sa mga amateur boxing competition.
Nang matapos ang kanyang termino sa Kongreso noong Hunyo 2026, nagkaroon umano siya ng mas maraming oras upang mag-ensayo at higit na pagtuunan ng pansin ang boxing.
Ibinahagi rin ni Barzaga na sumabak siya sa boxing, taekwondo at arnis noong Setyembre 2025.
Sa kabila ng kanilang paghaharap, pinuri ni Barzaga si Landrito at kinilala ang husay nito, kasabay ng pagsasabing naging maganda ang kanilang laban.
Samantala, iginiit naman ni Landrito na sa oras na tumunog ang kampana, ang husay at kakayahan sa boxing ang dapat manaig, anuman ang katayuan ng bawat isa.
“Respect to the man I’m sharing the ring with. But when that bell rings, it’s nothing personal, just business. No politics, no status, no shortcuts. Just me, my gloves, and 3 rounds to show what I’m made of,” pahayag ni Landrito.
Bahagi ang naturang laban ng fight card na inihanda ng Batang Tol Promotions sa pangunguna ni Tagaytay City Councilor Michael Tolentino, katuwang ang Samahang Kickboxing ng Pilipinas (SKP), UKC XXXVI, at Elorde Sports Promotions.
Nagpakita rin ng suporta sa Tagaytay Fight Night si Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis N. Tolentino, ama ni Councilor Michael Tolentino.
“We hope to inspire our youth to go into sports,” pahayag ni Councilor Tolentino, na umaasang mahihikayat ang kabataan na pasukin ang sports at malinang ang kanilang talento.
Tampok din sa naturang boxing event ang mga international championship bout na may nakatayang World Boxing Federation (WBF), Oriental and Pacific Boxing Federation (OPBF), at World Boxing Council (WBC) titles.
Nakiisa rin sa kompetisyon ang mga boksingerong mula Thailand, Egypt at Hong Kong, kasama ang mga nangungunang Filipino contender.
Sa pagkapanalo ni Barzaga, muling nabaling ang pansin sa dating mambabatas, ngunit sa pagkakataong ito, hindi sa plenaryo ng Kamara kundi sa boxing ring, kung saan suntok, depensa at diskarte ang puhunan sa bawat round.