Advertisers
PINARATANGAN ni Senador Imee Marcos ang kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at ang kanilang mga anak ng pagiging adik sa droga.
“Bata pa lamang kami ni Bongbong, alam na ng buong pamilya ang problema sa kanya,” pahayag ni Imee sa pagdalo niya sa ikalawang araw ng three-day “Rally for Transparency and Democracy” ng Iglesia Ni Cristo.
“Sa totoo lang, mababasa naman ng lahat ang mga testimonya ng aking ama patungkol sa kanyang ugali at gawain. Noon, dahil may tatay pa kami, hindi ko pa siya responsibilidad. Noong tumatanda ay mas naging nakakabahala,” ani Imee.
“Batid ko na, na nagda-drugs siya. Nalaman ko at ng pamilya. Nalaman ng pamilya, seryoso ito,” ayon pa sa senadora.
Sinabi rin ni Imee na mas naging adik si Marcos matapos pakasalan ang Unang Ginang, na sinasabing gumagamit din ng droga.
“Mas lumala ang kanyang pagkalulong sa droga dahil parehas pala silang mag-asawa,”hirit ni Imee.
Inakusahan din niya ang anak ng Pangulo, kabilang si Ilocos Norte 1st District Representative Sandro Marcos na gumagamit ng iligal na droga. Sinabi ni Imee na hinihiling din ng First Family sa kanyang mga anak at iba pang kamag-anak na gumamit ng ilegal na droga.
Bunsod nito, nanawagan si Imee sa kanyang kapatid na “umuwi” na at magpagamot.
“Hinihingi ko na tayo ay umuwi na. Mamahinga. Alang-alang sa iyong kalusugan. Kaya kung mabigo at mawala sa ’yo ang posisyon pero hindi ko kayang mawala ka sa amin. Ayusin mo ang sarili mo. Magpagamot. Alisin ang droga sa iyong sistema,” hirit ng senadora. (Mylene Alfonso)