Advertisers
HINDI na bago sa ating pandinig ang talamak daw na smuggling sa Bureau of Customs (BOC).
Ngunit sa bawat panibagong alegasyon, masasabing nariyan ang katotohanang tila paulit-ulit na bumabalik ang parehong problema at ang laging talo ay ang taumbayan.
Naku, ang mga sumbong mula mismo sa hanay ng mga importers, exporters, at brokers ay hindi maaaring balewalain kung saan ang isyung ito ay nakarating na raw sa Malakanyang.
Kung totoo na may mga opisyal at indibidwal na gumagamit ng puwesto upang mangikil at magpalusot ng mga ilegal na produkto, malinaw na hindi lang daw batas ang nilalabag kundi tiwala ng sambayanan.
Mas nakakabahala ang ulat na may ilang pantalan na umano’y nagiging pugad ng ilegal na pagpasok ng sigarilyo, e-cigarettes, fuel, at iba pang pangunahing produkto.
Aba’y ang ganitong gawain ay direktang sumasakal sa ekonomiya, binabawasan ang kita ng gobyerno, at sinisira ang patas na kompetisyon ng mga lehitimong negosyante.
Kung bumabagsak daw ang koleksiyon ng buwis sa iba’t ibang pantalan sa bansa, hindi ito simpleng pagkukulang. Ito ay indikasyon daw ng sistematikong problema na kailangang harapin nang buong tapang. Ang katahimikan o pagkaantala sa aksyon ay maaaring tingnan bilang pagsang-ayon.
Tama lamang ang panawagan ng mga stakeholders na agad magsagawa ng masusing imbestigasyon ang Palasyo ukol dito. Ang preventive suspension, habang dinidinig ang kaso, ay hindi parusa kundi proteksiyon para sa integridad ng proseso at ng institusyon.
Kapag napatunayang may sala, nararapat lamang ang mabigat na parusa, administratibo man o kriminal.
Ang BOC ay isa sa mga itinuturing na haligi ng kita ng pamahalaan.
Kapag ito’y nabahiran ng katiwalian, buong bansa ang magdurusa.
Panahon na raw upang ipakita na ang laban kontra smuggling ay hindi lamang pangako sa talumpati, kundi konkretong aksyon sa totoong buhay.
Sabi nga, ang tunay na reporma ay nasusukat hindi sa dami ng imbestigasyong sinimulan, kundi sa tapang na panagutin ang mga mapapatunayang nagkasala, gaano man kataas o kalakas ang kanilang koneksiyon.
Hindi na humihingi ng milagro ang taumbayan. Ang hinihiling lang daw ay hustisya at tapat na serbisyo.
***
Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.