Advertisers

Advertisers

ISKO: WALANG BATANG MAYNILA ANG DAPAT MABANSOT

'Yormilk’ program inilunsad

0 209

Advertisers

Inilunsad ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso nitong Lunes ang programang “Yormilk: Kaagapay ng Batang Maynila sa Paglaki” sa Barangay 137, Balut, Tondo. Naglalayong ang inisyatibang ito na mapabuti ang nutrisyon at paglaki ng libu-libong batang preschool na nakatala sa mga pampublikong daycare center sa lungsod.

Sa harap ng mga magulang, opisyal ng barangay, at mga child development worker, sinabi ni Mayor Domagoso na direktang tutugon ang programa sa malnutrisyon at stunting ng mga batang may edad tatlo hanggang limang taon gulang.

Ayon sa datos mula sa Manila Department of Social Welfare (MDSW), mayroong 1,593 batang “wasted” at “severely wasted” na nakatala sa 467 Child Development Centers (CDCs) sa lungsod.



Sa nutrisyon ng bata, ang terminong “wasted” at “severely wasted”, tumutukoy sa mga batang may sobrang baba ng timbang kumpara sa taas, na senyales ng matinding malnutrisyon. Malaki ang panganib na magkasakit o mamatay ang mga batang severely wasted kung hindi agad maaagapan.

“Nalulungkot ako na sa Maynila, sa kapitolyo ng bansa, na lumalaki ang bilang ng pagkabansot o stunting. Hindi dahil maliit ang lahi natin, kundi dahil kulang tayo sa tamang nutrisyon,” ani Domagoso.



Sa ilalim ng Yormilk program, kabuuang 21,651 batang preschool sa buong lungsod ang makatatanggap ng gatas tatlong beses sa isang linggo sa loob ng 90 araw, ipamamahagi sa pamamagitan ng CDCs sa 436 barangay, at susuportahan ng 423 child development workers, batay sa opisyal na tala ng MDSW.

Binigyang-diin ng Mayor ang kahalagahan ng gatas sa paglaki ng bata, lalo na sa kalakasan ng buto, resistensya, at pangkalahatang paglaki, at binanggit na maraming pamilya ang napipilitang unahin ang pagkain na makabubusog kaysa sa pagkain na may tamang nutrisyon dahil sa kahirapan.



“Mahal ang gatas. Mahal, kaya kung minsan mas nauuna nating bilhin ang mga bagay na makabubusog sa tiyan ng ating mga supling dala ng hirap ng buhay,” paliwanag ni Mayor Domagoso.

Pinili ng lungsod na kumuha ng sariwa at lokal na gatas kaysa sa imported, alinsunod sa pamantayan ng kaligtasan ng pagkain at para suportahan ang mga lokal na magsasaka, sa pakikipag-ugnayan sa Department of Health (DOH), National Dairy Authority (NDA), at mga katuwang na kooperatiba.

“Mas minabuti ko na sariwa, ligtas, malinis, at maayos na gatas na produkto mismo ng ating mga magbabaka sa Pilipinas,” dagdag ni Isko.

Ibinahagi rin ng Mayor ang kanyang sariling karanasan noong bata pa siya, na nakinabang mula sa mga programang nutrisyon ng gobyerno tulad ng Nutribun at KLIM powder milk, na nakatulong sa kanilang mabilis na paglaki at matibay na buto.

Tiniyak ni Domagoso sa mga magulang na hindi ito isang beses lang na programa, at nangakong uulitin ang feeding cycle kada tatlong buwan kung kinakailangan, kahit pa kailanganin itong pondohan mula sa city funds.

“Kahit wala tayong pera, maghahanap ako ng pera para lang lumusog ang mga Batang Maynila,” sabi ng Mayor Isko.

Pinaalalahanan din ni Isko ang mga magulang na ang gatas para lamang sa mga batang nakatala sa daycare at pinopondohan ng pampublikong pera.

“Itabi ninyo ’yan para sa anak ninyo. Pera ‘yan na galing sa taxpayer,” ani Domagoso.

Nagpasalamat din si Isko sa mga opisyal ng barangay, katuwang na ahensya, at frontline workers sa suporta sa programa, at umaasang makakatulong ito sa paghahanda ng mga bata para sa pormal na edukasyon at pangmatagalang pag-unlad.

“Gusto ko, mga bata, malusog kayo at tumangkad kayo agad,” pagtatapos ng Mayor.(BP)