Advertisers
Mula seryoso at konkretong hakbang tungo sa malinis na kalakalan, protektadong ekonomiya, at ligtas na komunidad ang isinagawa ng kapulisan matapos maharang ang pagdadala ng iligal na produktong tabako sa isinagawang anti-criminality checkpoint sa Barangay Antonino, Alicia, Isabela 11:50 ng gabi noong Pebrero 2, 2026.
Tatlong suspek ang naaresto na kinilalang sina alyas Leo, Lyn at Tope na pawang mga residente ng brgy Pulong, San Miguel, Talavera, Nueva Ecija.
Naaresto ang mga nasabing suspek dahil sa paglabag sa Section 263 ng National Internal Revenue Code o Unlawful Possession or Removal of Articles Subject to Excise Tax without Payment of the Tax, matapos mabigong magpakita ng kaukulang dokumento para sa mga tabakong natuklasan sa kanilang sinasakyang sasakyan.
Pinangunahan ang opetasyon ng Alicia Police Station, katuwang ang 2nd Platoon ng Isabela Provincial Mobile Force Company (IPMFC) at Police Intelligence Unit- Isabela, bilang bahagi ng intel-driven at preventive policing strategy laban sa smuggling at iba pang iligal na gawaing sumisira sa ekonomiya at patas na hanapbuhay.
Nasamsam sa operasyon ang 450 rims ng modern tobacco na may tinatayang kabuuang halagang P324,000.00, gayundin ang isang (1) unit ng Toyota Innova na ginamit sa ilegal na transportasyon ng produkto.
Ang mga naarestong suspek at nakumpiskang ebidensya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Alicia Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng kaso.(Fidel Coloma)