Advertisers

Advertisers

Pangasinan Vice Mayor Humihingi ng tulong sa COMELEC

0 374

Advertisers

NAGSAMPA ng agarang petisyon sa Commission on Elections (Comelec) ang proklamadong Bise Alkalde ng Rosales, Pangasinan na si John Isaac Kho upang pigilan ang pagpapatupad ng desisyon ng Regional Trial Court (RTC) Branch 53 na nagbasura sa resulta ng Automated Counting Machine (ACM) sa halalan noong Mayo 12, 2025 at idineklara ang kanyang kalaban bilang panalo.

Batay sa desisyong may petsang Nobyembre 24, 2025, binaligtad ng RTC ang proklamasyon ni Kho kahit na siya ay may lamang na 1,208 boto batay sa opisyal na ACM returns. 20,201 boto para kay Kho laban sa 18,993 para sa protestanteng si Susan Casareno.

Sa halip, pinaboran ng korte ang manual recount na nagbigay ng 20,705 boto kay Casareno at 18,730 kay Kho.

Ipinahayag ng RTC na ang pisikal na balota ang “pinakamabuti at pinakakongklusibong ebidensya” ng intensyon ng botante at kinuwestiyon ang pagiging maaasahan ng ACM dahil sa mga nakitang pagkakaiba sa machine-generated returns at sa manu-manong bilang.

Nagbabala ang kampo ni Kho na ang naturang desisyon ay naglalagay sa panganib sa kredibilidad ng 2025 automated elections.

“Kung may ganitong discrepancy sa Pangasinan, saan pa maaaring kuwestyunin ang resulta ng ACM? Taliwas ito sa naunang pahayag ng COMELEC na may 99.997% accuracy ang halalan,” ayon sa kanyang kampo.

Inihayag din ni Kho ang alegasyon ng pagpalit at dayaan sa mga balota, kabilang ang 106 karagdagang boto na walang katugmang Voter-Verified Paper Audit Trail (VVPAT), hindi tugmang pirma ng chairman, misaligned na COMELEC logos, pagkakaiba sa kulay ng papel, at tinatawag na phantom marks.

Upang matugunan ito, naghain si Kho ng mosyon para sa decryption at pagpi-print ng ballot images na nakaimbak sa secure data storage ng ACM.

Aniya, mahalagang maikumpara ang digital images sa pisikal na balota upang mapatunayan kung may nangyaring pamalit o manipulasyon.