Advertisers

Advertisers

‘Spy-tagging’ Poster vs Sibilyan Kinondena

0 58

Advertisers

Mariing kinondena ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang pagkalat ng tinaguriang mga “WANTED” poster na naglalagay kina Gerald Mangao, Erick Simogan, at Zena Punada Candelario Segui bilang “taksil sa bayan” at nag-aalok pa ng pabuya kapalit ng impormasyon hinggil sa kanilang kinaroroonan.

Ang mga materyales ay inilathala sa Facebook page na “Villagers Point of View 2.0,” na kinilala ng mga awtoridad bilang isang propaganda portal na nakaugnay sa Communist Party of the Philippines–New People’s Army–National Democratic Front (CPP–NPA–NDF) network.

“Ito ay hindi simpleng retorika sa online. Ito ay organisadong psychological warfare,” pahayag ni Ernesto Torres Jr., Executive Director ng NTF-ELCAC. “Kapag ang mga indibidwal ay hayagang binansagang ‘espiya’ o ‘taksil’ nang walang ebidensya o due process, inilalagay nito ang kanilang buhay sa malinaw at kasalukuyang panganib.”

Inilarawan ni Torres ang mga poster bilang lantad na halimbawa ng “spy-tagging”—ang sinasadyang pagbansag sa mga sibilyan bilang impormante o kaaway ng kilusan, isang gawain na sa kasaysayan ay nauuwi sa pananakot, pagdukot, at pagpaslang sa mga lugar na may presensya ng armadong grupo.

“Nakita na natin ang nakamamatay na padron na ito noon pa,” ani Torres. “Magparatang nang walang patunay. Magbansag nang walang proseso. Pumatay nang walang pagsisisi.”

Inihalimbawa niya ang kamakailang pagpaslang kay Leonora “Leonor” Anguit, isang 74-anyos na lola mula sa Kabankalan City, Negros Occidental, na pinatay matapos akusahang impormante ng militar.

“Ayon mismo sa mga salarin, pinatay siya batay lamang sa hinala. Walang hukuman. Walang ebidensya. Walang depensa. Isang paratang at kasunod ay bala,” diin ni Torres.

Batay sa monitoring ng NTF-ELCAC, 26 na sibilyan ang pinaslang noong 2025 lamang matapos ma-“spy-tag.” Marami sa mga biktima ay karaniwang mamamayan—mga magsasaka, forest guards, at miyembro ng komunidad—na ang tanging “kasalanan” ay ang magsalita laban sa communist terrorist group o tumangging suportahan ang marahas nitong adyenda.

Binigyang-diin ni Torres ang tinawag niyang “mapait na kabalintunaan” ng ganitong gawain.

“Ang parehong grupo na malakas na sumisigaw tungkol sa human rights, press freedom, at freedom of expression ay ginagamit ang mga prinsipyong ito upang isulong ang kanilang layunin, habang pinatatahimik at inaalis ang sinumang tumatanggi sa kanilang ideolohiya,” aniya. “Sa publiko, ipinangangaral ang karapatan; sa lihim, nagpapataw ng hatol na kamatayan. Iyan ay mapanganib na dobleng pamantayan.”

Inalala rin niya ang mga panloob na purga na nagdulot ng sugat sa maraming komunidad sa ilalim ng mga kampanya tulad ng Oplan Zombie, Kampanyang Ahos, at Kadena de Amor, na nagresulta sa libu-libong pagpaslang batay lamang sa hinala.
“Ang spy-tagging ngayon ay sumusunod sa parehong lohika.

Binabalaan tayo ng kasaysayan kung ano ang mangyayari kapag ang propaganda ay nagiging gatilyo ng karahasan,” dagdag ni Torres.

Sa paglalathala ng mga “WANTED” materials laban kina Mangao, Simogan, at Segui, sinabi ni Torres na ang mga nasa likod nito ay epektibong naglalagay ng target sa kanilang likuran.

“Ito ay tuwirang banta sa kanilang buhay. Hindi ito maaaring balewalain ng Estado,” diin niya.
Nanawagan ang NTF-ELCAC sa mga law enforcement at security authorities na agarang tiyakin ang kaligtasan at proteksyon ng mga pinangalanan, at hinimok ang civil society, mga organisasyon ng media, faith-based groups, at human rights advocates na kondenahin ang spy-tagging bilang isang nakamamatay na gawain.

“Ang pagbansag sa mga sibilyan bilang ‘espiya’ dahil lamang sa pagtanggi sa karahasan ay hindi revolutionary justice. Hindi ito aktibismo. Hindi ito dissent,” pagbibigay-diin ni Torres. “Ito ay hatol na kamatayan na ipinapataw sa pamamagitan ng propaganda.”

Muling pinagtibay ng task force ang pangako nitong ipagtanggol ang due process, ang rule of law, at ang pangunahing karapatan ng bawat Pilipino na magsalita, tumutol, at mabuhay nang walang takot na papatayin dahil sa pagtangging yakapin ang armadong pakikibaka.