Advertisers
Naaresto ang limang katao at nasasamsam ang mga kontrabando at kagamitang nauugnay sa droga sa isinagawa operasyon ng mga pulis sa Bayombong, Nueva Vizcaya.
Batay sa inaprubahang search warrant, sinuri ng mga awtoridad ang isang bahay sa Purok 5, Barangay San Nicolas noong nakaraang mga araw. Sa loob ng tirahan, natuklasan ang apat na sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na mahigit isang gramo at halagang P8,160.
Bukod pa rito, nasamsam din ang iba’t ibang drug paraphernalia kabilang ang mga improvised tooters, aluminum foil sheets, lighter, gunting, mga pouch, at maliliit na plastic container na ginagamit para sa paghawak, paghahati, at paggamit ng ilegal na droga.
Ang mga arestado ay binubuo ng dalawang lalaki na 48 at 35 taong gulang, at tatlong babae na may edad na 46, 28, at 26 taon. Lahat sila ay nadatnan sa lugar noong isagawa ang operasyon.
Ayon sa pahayag ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NPPO), patuloy na isinasagawa ang imbestigasyon para matukoy ang pinagmulan ng nakumpiskang droga. Tiniyak din ng mga opisyal na ang operasyon ay isinagawa nang may integridad, dahil sa paggamit ng body-worn camera at iba pang kagamitan para sa dokumentasyon.
Naisampa na ang mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (Republic Act 9165) laban sa lahat ng mga suspek. (Fidel Coloma)