Advertisers
IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang agarang pamamahagi ng P8-bilyong subsidiya sa mahigit 42,000 barangay sa buong bansa upang matulungan ang mga komunidad na maibsan ang epekto ng krisis sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Finance Secretary Ralph Recto, bawat barangay sa bansa ay makatatanggap ng P200,000 bilang pondo para sa kanilang mga proyektong pang-edukasyon, panlipunan, at pang-ekonomiya sa ilalim ng programang “Bawat Barangay Makikinabang.”
Ipinatupad ang inisyatiba noong Marso 24, kung saan 5,000 barangay ang unang nakatanggap ng pondo.
Kabilang sa mga pinakahuling benepisyaryo ang mga barangay sa Pilar, Bataan na tumanggap ng kanilang ayuda kanina sa presensya ni Pangulong Marcos.
Ang kalahati ng pondo ay maaaring gamitin ito para sa mga street light, patrol vehicle, at CCTV upang mapalakas ang seguridad, o kaya’y mga generator para sa suplay ng kuryente sa mga health center at evacuation center tuwing may sakuna.
Ang natitirang kalahati ay ilalaan para sa isang “finisher program” para sa mga residente ng barangay na nasa huling taon na sa kolehiyo, upang hindi maantala o mapurnada ang kanilang pagtatapos dahil sa epekto ng krisis sa Gitnang Silangan.
Ayon sa Office of the Executive Secretary, aabot sa 200,000 na mga magtatapos na estudyante sa kolehiyo ang maaaring matulungan upang hindi mapilitang huminto sa pag-aaral dahil sa problemang pinansyal.
Upang masiguro ang maayos at mabilis na pamamahagi ng pondo, nakipagtulungan ang Office of the President sa Liga ng mga Barangay sa Pilipinas para sa mobilisasyon ng mga benepisyaryo at pagbabantay sa paggamit ng pondo.
Ang Department of the Interior and Local Government naman ang mangangasiwa sa pagpapatupad ng programa.
Sisiguruhin ng kanilang mga tanggapan sa iba’t ibang lugar na ang paggamit ng pondo ay sumusunod sa mga alituntunin sa badyet, accounting, at audit ng pamahalaan.
Target ng pamahalaan na makumpleto ang distribusyon bago matapos ang Hunyo 2026 at magamit ang lahat ng pondo bago matapos ang taon.