Advertisers
Ni NONIE V. NICASIO
ANG anak ni Angelica Jones na si Angelo Jones ay sumabak na rin sa mundo ng showbiz. Mapapanood si Angelo sa pelikulang “Neophyte 26,” isang napapanahong true-to-life story ang advocacy film na ito na tiyak na tatagos sa puso ng bawat manonood ngayong taon!
Mula sa pamamahala ni Direk Rommel Penesa and written by Charlotte Dianco, ang pelikula ay pinagbibidahan nina Derrick Monasterio at Angelica Jones.
Ang Neophyte 26 ay isang pelikulang magbubunyag ng katotohanan sa likod ng fraternity, sakripisyo, pagmamahal, at katapangan.
Introducing sa pelikula si Angelo at base sa teaser ng movie, kahit baguhan ay nagampanan ng 13 year old na bagets from La Salle, Lipa, ang natoka sa kanyang role rito.
Nabanggit ni Angelica na wala sa plano na maging bahagi ng pelikulang ito ang kanyang anak.
Kuwento ni Angelica, “Actually nagulat nga po ako, wala talaga sa plano. Siguro destiny talaga na para sa kanya. Kasi, maraming gustong kumuha kay Angelo na maging commercial model, isama sa shows, sa movie… hindi ko siya pinapayagan before. Kasi, gusto kong mag-focus siya sa pag-aaral.
“Then, si Direk Rommel na ang nagsabi na may potential ang anak ko, pagbigyan ko si Angelo. Mahal na mahal ni Angelo si Direk Rommel, kasi kakaiba ‘yung role niya rito. As in, heavy-heavy drama iyong ibinigay dito kay Angelo.”
Dagdag pa ng aktres/public servant, “May crying scene siya at nang ginagawa na niya iyong eksena, actually nagulat din ako. Si Direk Rommel ang nag-workshop sa kanya, bago nag-shoot… ako naman, tinuturuan ko iyong anak ko, ‘Anak, just be natural, gusto ko ay natural ang acting mo rito. Ayaw ko nang napipilitan, ayaw ko nang plastic na arte. Gusto ko ay natural, kung ano ang nasa puso mo.’ So, nagulat kaming lahat na kaya pala niyang umarte.”
Ayon naman kay Angelo, “Actually po, hindi po nahirapan si Direk Rommel na kumbinsihin ako (na sumali sa movie na ito), kasi po, eversince noong bata pa ako is dream ko na mag-artista po. Pero inuna ko po talaga ang pag-aaral ko, bago maging artista. Kasi ang itinuturo po sa akin ng aking mommy, unahin ko muna ang pag-aaral bago ang career.”
After this movie, tuloy-tuloy na ba siya sa pagsabak sa showbiz?
Tugon ni Angelo, “Hopefully po and if kaya ko po, pagsasabayin ko ang showbiz and my studies po.”
Tampok din sa pelikula sina Elle Villanueva, Jon Lucas, Neil Ryan Sese, Andrea del Rosario, Ronald Adamat, Mike Lloren, Mosang, Lance Raymundo, Maxine Trinidad, at Chris Leonardo.
Hatid ng Empowerment Productions and Spring Ferry Productions, ang pelikula ay brainchild ni Laguna Board member Angelica Jones.
May premiere night ang Neophyte 26 sa April 22, sa Ayala Malls Vertis North, Quezon City, Cinema 3.