Advertisers
MARIING iginiit ni dating Senador Antonio Trillanes IV sa pagdinig ng House Committee on Justice na may kaugnayan sa isang hinihinalang drug lord ang ilang bank transactions ng pamilya Duterte, kabilang si VP Sara Duterte.
Sa kanyang affidavit na iniharap sa pagdinig kaugnay ng impeachment complaint nitong Miyerkules, sinabi ni Trillanes na umabot sa P181.6 milyon ang kabuuang halaga ng mga tsekeng tinanggap o na-encash ng mga miyembro ng pamilya Duterte mula Uy.
Ayon kay Trillanes, kabilang sa tumanggap ng pondo sina Sara Duterte (P22.3 milyon), Rodrigo Duterte (P15.6 milyon), Sebastian Duterte (P51.5 milyon), Paolo Duterte (P38.8 milyon), at Cielito Avanceña o Veronica Duterte (P53.2 milyon).
Ani Trillanes, may kalakip na annex sa kanyang sinumpaang salaysay na naglalaman ng buod ng mga bank transactions.
Sinabi rin ni Trillanes na may koneksyon si Uy sa mga personalidad tulad ni Michael Yang, dating economic adviser ni Rodrigo Duterte, at iniuugnay sa mga kontrobersiya gaya ng Pharmally at POGO.
“Si Sammy Uy ay isang kilalang political contributor ni Rodrigo Duterte at kilalang kasama o kasosyo ni Michael Yang, ang dating Economic Adviser ni Rodrigo Duterte, na siya namang iniuugnay sa mga kontrobersya ng Pharmally at POGO, gayundin sa bilyun-bilyong halaga ng mga ilegal na droga na nakumpiska sa isang bodega sa POGO Compound sa Porac, Pampanga,” paliwanag pa ng dating senador.
Nanindigan si Trillanes na ang nasabing mga transaksyon sa isang drug lord ay nagdudulot ng seryosong pagdududa sa integridad ng Pangalawang Pangulo.
Samantala, sinabi ni Trillanes sa komite na mismong si dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 ay umamin ng pagkakaroon ng bank account sa BPI na hindi idineklara sa kanyang SALN.
“Noong 2016, inamin mismo ni Rodrigo Duterte na mayroon nga siyang bank accounts sa BPI at nabigo siyang ideklara ang nilalamas sa kanyang SALN,” aniya.
Ayon sa kanya, ginawa ang pag-amin matapos niyang hamunin ang dating pangulo na lumagda sa waiver of secrecy of bank deposits.
Binanggit din ni Trillanes ang dating pahayag ni Duterte sa media kaugnay ng laman ng account.
“A little less than 200 million. Wala na, ginastos ko na, naghappy-happy ako,” ani Duterte ayon sa affidavit.
Sinabi ni Trillanes na ang mga alegasyong ito ay bahagi ng kanyang mga isinumiteng ebidensya sa komite na sinusuri kung may probable cause ang impeachment complaint laban kay VP Duterte.