Advertisers
Ang kasalukuyang krisis sa presyo ng kuryente sa Greater Manila Area ay hindi lamang usapin ng supply at demand. Ito ay repleksyon ng isang malalim na depekto sa ating regulatory framework. Nitong Abril-Mayo 2026, ang singil ng Meralco na P14.35/kWh ay nagsilbing “wake-up call” na nagpapakita ng malaking disparity sa pagitan ng mga distribution utilities (DUs) sa bansa.
Sa gitna ng krisis na ito, lumalabas ang isang nakababahalang katotohanan: habang ang mga distribution utilities (DUs) at electric cooperatives sa malalayong probinsya ay nagagawang panatilihing stable ang kanilang rates sa pamamagitan ng strategic procurement, ang Metro Manila na pinagsisilbihan ng Meralco ay nananatiling nakabaon sa pinakamahal na presyo ng kuryente.
Bakit mas “shocking” ang bill sa Meralco?
Mas “shocking” ang singil sa Meralco dahil ang kanilang supply mix ay nananatiling nakatali sa imported na panggatong. Sa kasalukuyang datos ngayong 2026, mahigit 60% ng kanilang kuryente ay nagmumula sa Natural Gas at 20-25% naman sa Coal, kung saan ang halos 99% ng mga kontratang ito ay dollar-denominated. Dahil dolyar ang pambayad sa mga panggatong na ito, ang bawat paghina ng piso laban sa dolyar ay direktang “pasa-load” sa bill ng mga consumer.
Kabaligtaran ito sa ibang mga probinsya na mas nakasandal sa mga kontratang peso-denominated at malaking bahagi ng kanilang supply ay renewable energy gaya ng hydro at geothermal na hindi apektado ng pabago-bagong palitan ng piso.
Nasa 10% pa lamang ang renewable energy supply ng Meralco at hindi nila ito magawang maitaas nang mabilisan dahil sa mga locked-in na Power Supply Agreements (PSAs). Ang mga kontratang ito sa mga planta ng coal at gas ay tumatagal ng 15 hanggang 25 taon, kaya hanggang hindi natatapos ang mga lumang kontratang ito, ang mga consumer ay mananatiling “bihag” ng presyo sa world market.
Sinabi ni Bayan Muna Chairman Neri Colmenares na mayroong kapangyarihan ang Meralco na i-renegotiate ang kanilang mga kontrata para maging peso-denominated ang bayad para hindi tayo tinatamaan ng “bill shock” tuwing humihina ang piso kontra dolyar subalit hindi ito ginagawa ng Meralco sa halip ay mas nais na ipasa sa mga consumer ang pasanin ng pabago-bagong palitan ng dolyar .
Isa pang sentro ng usapin ay ang tinatawag na “sweetheart deals.”
Sa ilalim ng EPIRA Law, layunin ang kompetisyon. Subalit, ang pinaka-kontrobersyal na aspeto ng operasyon ng Meralco ay ang mga Power Supply Agreements (PSAs) nito sa mga kumpanyang “affiliated” o pagmamay-ari rin ng parehong mother company. Mula sa San Buenaventura Power (455 MW) hanggang sa dambuhalang MTerra Solar (850 MW).
Bagama’t mayroong Competitive Selection Process (CSP), kinuwestiyon ng mga consumer groups ang integridad nito. Kapag ang isang DU gaya ng Meralco ay bumibili mula sa sarili nitong planta, nawawala ang pressure na i-renegotiate ang presyo para sa kapakanan ng publiko.
Hindi na uubra ang depensa ng Meralco na “market forces” ang nagdidikta ng presyo ng kuryente dahil kung ikukumpara sa ibang DUs sa mga probinsya ay nagpakita na sa pamamagitan ng agresibong negosasyon para sa fixed-price contracts at pag-iwas sa mahal na diesel plants, kayang mapababa ang singil.
Sa teorya ng ekonomiya, ang pagbili ng bulto (bulk buying) ay dapat nagreresulta sa mas murang presyo. Sa 2.6 bilyong kWh na naibenta ng Meralco nitong buwan para sa 8 milyong customer, dapat ay sila ang may pinakamababang generation cost. Ngunit ang kabaligtaran ang nangyayari. Ang average generation cost na P8.39/kWh ay mas mataas pa sa kabuuang rate ng ilang kooperatiba sa probinsya. Ipinapakita nito na ang laki ng operasyon ng Meralco ay hindi ginagamit para sa “bargaining power” pabor sa konsyumer, kundi para mas mapalaki ang volume ng kita ng kanilang mga affiliated suppliers.
Ang papel ng Energy Regulatory Commission (ERC) at Department of Energy (DOE) ay protektahan ang publiko mula sa pang-aabuso. Kung napatunayan ng ibang mga probinsya na posible ang mas murang kuryente sa pamamagitan ng mas matalinong supply management at diversification, bakit hinahayaan ang Meralco na manatiling nakasandal sa mga “market-driven” at “dollar-denominated” na mga kasunduan? Panahon na para sa isang malawakang audit ng lahat ng PSAs at ang pagbuwag sa mga “sweetheart deals” na sumasakal sa mga consumers.