Advertisers

Advertisers

Rep Almario: May kaso ng pagmamalupit sa alagang hayop ban sa pag-aalaga isasabatas!

0 8

Advertisers

Naghain si Davao Oriental Representative, Cheeno Miguel D. Almario ng House Bill No. 9126, isang panukalang magpapataw ng habambuhay na pagbabawal sa pag-aalaga ng hayop para sa sinumang mapatunayang nagkasala ng pagmamalupit sa kanyang alaga.

Ang HB no. 9126 ay layuning magtatatag ng isang National Animal Offender Registry.

Inaamyendahan ng panukala ang Republic Act No. 8485 o ang Animal Welfare Act of 1998.

Sa pamamagitan ng pagdaragdag ng permanenteng pagbabawal sa pagmamay-ari na muling magkaroon ng alagang hayop ay nararapat lamang umano na may additional ding parusa bukod pa sa umiiral na pagkakakulong at multa na mula P30,000 hanggang P100,000.

Sinabi ni Rep. Almario, ang mga nahatulan nang-abuso ng hayop ay maaaring hindi na makapasok pang muli sa alinmang pet store o shelter, na kung saan ay maaari nitong muli na simulan ang parehong siklo.

“Isa itong kakulangan sa batas, at ito ang tinutugunan ng panukalang ito,” ani Rep Almario.

“Ang mga nawalan ng karapatang mag-alaga ng hayop dahil sa karahasan ay hindi na dapat muling pagkalooban pa ng karapatang iyon.”

Ang iminungkahing National Animal Offender Registry ay magsisilbing gulugod ng pagpapatupad, isang beripikasyong database upang maiwasan na makakuha muli ng mga hayop ang mga nahatulang lumabag sa pamamagitan ng pet shops, breeders, shelters, o pribadong bentahan.

Ayon pa kay Almario, layunin ng panukala ang isang kolaboratibong modelo kasama ang mga kilalang organisasyon para sa kapakanan ng hayop, kabilang ang Philippine Canine Club, Inc. at ang Feline Council of the Philippines, Inc., upang matiyak ang pagsubaybay sa pagsunod sa mga patakaran sa mismong komunidad.

“Mayroon tayong mga batas laban sa paulit-ulit na nagkakasala sa krimen laban sa tao. Panahon na upang ilapat din ang parehong prinsipyo sa mga krimen laban sa mga walang boses,” dagdag ni Almario.

“Sa pagsasara ng pintuang ito, ipinapaabot natin sa bawat pamilyang Pilipino, bawat shelter, at bawat breeder na ang kalupitan ay may kaparusahan at ito ay permanente.” pagtatapos ni Almario. (Cesar Barquilla)