Advertisers
Ni ROMMEL PLACENTE
MAY bagong P-pop vocal group na binuo si MJ Guttierez, na bagong hahangaan at mamahalin ng mga fan. Ito ay ang Blue Dreamers PH, na binubuo nina Jarred Salvador ng Makati, Zhian Mendaza ng Mindoro, Shayne Monreal ng Albay at ang kambal na sina Jairex at Xanxan Tan ng Zamboanga del Sur.
Dumaan muna sa auditions ang limang bagets bago tuluyang napili bilang final members ng Blue Dreamers PH.
Ayon kay MJ, nabuo ang grupo dahil iisa raw ang pinaghuhugutan ng limang miyembro na pawang may mabibigat na karanasan sa buhay.
“Hindi lang talento ang basehan dito. Lahat sila may pinagdaanan at doon nila kinukuha ang lakas para maabot ang pangarap nila,” sabi ni MJ.
Bukod sa singing at dancing workshops, dumaan din Blue Dreamers PH sa acting lessons, modeling training, personality development, discipline tests, at emotionally draining evaluations.
Emosyonal namang ibinahagi ng bawat miyembro ang kani-kanilang pinagdaanan bago nila narating ang spotlight.
Si Shayne, na mula sa broken family, sinabi na gustong-gusto niyang makaahon ang kanilang buhay bilang panganay.
Samantala, inamin ni Zhian na madalas siyang ma-bully noon dahil sa kanyang itsura at pagiging chubby.
Ginawa raw niya itong inspirasyon para mas pagbutihin ang sarili at habulin ang kanyang pangarap sa music industry.
Ang kambal namang sina Jairex at Xanxan ay aminadong may malalim na sugat pagdating sa kanilang pamilya, lalo na sa nangyari sa kanilang ama na dating pulis.
Bagama’t ayaw nilang idetalye ang buong kuwento, sinabi nilang ito ang isa sa pinakamalaking dahilan kung bakit pursigido silang umasenso sa buhay.
Inamin din ng kambal, na nakatanggap na sila ng indecent proposals mula sa members ng third sex.
May mga umano’y nag-aalok pa raw ng P50,000 pataas kapalit ng isang gabing kaligayahan, pero agad nila itong tinanggihan.
Si Jarred naman ay umaming dati siyang napabarkada kaya napabayaan niya ang kanyang pamilya, pero ngayo’y ginagamit niya ang career niya para makabawi sa mga mahal sa buhay.
Bukod sa good looks at polished performances, pinupuri rin ngayon ang Blue Dreamers PH dahil sa kanilang world-class image at original music.
Kasabay ng kanilang debut ay inilabas nila ang self-titled album na tampok ang carrier single na ‘Lowkey Tayo,’ na komposisyon ni MJ Gutierrez at distributed ng Artist Central Music.
Kabilang din sa kanilang mga awitin ang ‘Dance Tayo,’’912 Hours Journey,’ theme song ng upcoming movie na may parehong title.
Ayon kina MJ Gutierrez at coach Zenly Diansuy, marami pang nakaabang na proyekto para sa grupo kabilang ang pelikula, variety show, mall tours, TV guestings, at international-level performances.
Sa ngayon ay abala ang Blue Dreamers PH sa pag-iikot sa iba’t ibang TV shows, radio programs, online guestings, at mall shows para i-promote ang kanilang album.
And this week, ay maggi-guest sila sa online show namin na Marisol Academy.