Advertisers
Ni Anne Venancio
Iginiit ng television personality na si Edu Manzano at tech CEO na si Ann Cuisia na ang kanilang partisipasyon sa Peanut Gallery Media Network (PGMN) ay nag-ugat sa paniniwala sa malayang pamamahayag, walang mahigpit na script, at walang kinikilingang censorship.
Nauna nang naiugnay ang dalawa bilang mga anchor ng online media network na itinatag ni Franco Mabanta, na kasalukuyang nasasangkot sa kontrobersya matapos arestuhin noong Mayo 5 kaugnay ng alegasyon ng pangingikil ng umano’y P300 milyon mula kay dating House Speaker Martin Romualdez.
Nakapagpiyansa na si Mabanta at ang apat na kapwa akusado.
Nilinaw nina Manzano at Cuisia na sumali sila sa PGMN dahil sa paniniwala sa layunin nitong magbigay ng espasyo para sa malayang pagpapahayag at bukas na talakayan sa mga isyung panlipunan.
Hindi rin umano sila mga mamamahayag o empleyado ng PGMN at wala silang natanggap na anumang kabayaran, kontrata, o talent fee para sa kanilang partisipasyon.
Giit pa nila, ang prinsipyo ng malayang pamamahayag ay dapat manatiling mas mahalaga kaysa sa ingay ng kontrobersya, at dapat itong gamitin nang may pananagutan, tapang, at pagmamahal sa bayan.