Advertisers
INIHAYAG ni Sen. Erwin Tulfo na sisimulan ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa July 6, 2026 batay sa schedule na ibinigay sa kanila at kasunod ng caucus ng lahat ng Senador na ipinatawag ni Senate President Alan Peter Cayetano, kasabay ng pahayag na dapat ay ‘physically present’ ang bawat Senador na boboto kung kinakailangan.
Sa isang panayam sa telebisyon, nagbigay din ng reaksyon si Tulfo sa sinabi ni Senator Pia Cayetano na wala man lang taga-minority na nangamusta sa majority nang gabing nagkaroon ng gulo sa Senado.
“’Yung kanyang emosyon po ay siguro po dala po ng takot, pero nung sinabi niya po na wala pong nangumusta, meron po kaming ika nga, chat group po sa WhatsApp. Lahat po ng mga members ng majority at saka ng mga minority, yung 20th Congress, yung chat group. Meron po, nagpadala po ng message po si, kita po doon, si Sen. Kiko, Sen. Bam, Sen. Sherwin, pati ako po. ‘Yung sa akin po, pinadala ko po around 9:57. Pagkatapos sumagot po si Senadora Camille, sabi niya, “Thank you, we’re all okay.” Nag-message naman po kami sa WhatsApp group po namin, ewan ko po kung bakit hindi po nabasa ni Sen. Pia po yun,” ani Tulfo.
Ayon pa kay Tulfo, siya mismo ay nagpadala ng message na, “Praying for all of you” habang patungo ng Baclaran Church nang mga oras na iyon at matapos ipaalam sa kanya ng kanyang chief of staff na si Jerico Javier ang mga kaganapan sa Senado.
Kaugnay niyan ay sinabi ni Tulfo na batay sa video na ipinakita ng DILG at PNP, mukhang hindi naman umano ‘under attack’ ang Senado.
“Base po doon sa video… mukhang hindi naman po. Dahil ang una pong nagpaputok ay yung amin pong OSAA, si Aplasca po eh. Yan po yung report. Kaya nga po, kahapon po ako po ay tumindig dahil hiningi ko po na–Wala bang imbestigasyon? Ganun-ganun na lamang?” aniya.
Binigyang-diin niya na mahalaga ang pag-iimbestiga ng Senate Committee of the whole sa gitna ng magkakaibang ‘claims’ upang magkaroon ang mga Senador ng pagkakataong sumuri, magtanong at mag-imbita ng mga personalidad na maaring magbigay ng liwagan sa mga nangyari.
“Hindi ko rin po masisi si SP Cayetano dahil kumukuha lang siya ng impormasyon mula po kay Aplasca. Eh syempre, si Aplasca po ay lumalabas na siya ang unang nagpaputok. Kaya nga po medyo mahirap paniwalaan at this point,” pahayag ni Tulfo.
Sa mungkahi ni Senator Rodante Marcoleta na payagan si Senator Ronald ‘Bato’ dela Rosa na bumoto kahit wala siya mismo sa Senado, sinabi ni Tulfo na hindi siya payag dito, sampu ng minority Senators.
“Marami po sa amin, kami po sa minoriya at hindi po sasang-ayon po dyan. Kailangan po physically present. Dati po po pwede yan nung pandemic. Yung rules po eh pinayagan dahil nga po bawal pumasok, may mga lockdown. Eh ngayon po, everything’s okay naman po, kailangan po siguro ng presence sa Senado,” paliwanag ni Tulfo.
Samantala, inihayag ni Tulfo ang schedule na ibinigay sa kanila, ukol sa impeachment trial na sisimulan sa July 6. (JERRY S. TAN)