Advertisers
NAKAALIS na ng bansa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Martes para sa kanyang apat na araw na state visit sa Japan, kung saan ang Pilipinas ay inaasahang makakakuha ng mga bagong kasunduan na naglalayong palakasin ang kooperasyong pang-ekonomiya at depensa sa pagitan ng dalawang bansa.
Lulan ng presidential plane si Pangulong Marcos mula sa Villamor Air Base sa Pasay City dakong alas-1:36 ng hapon.
Sa kanyang departure statement, sinabi ni Pangulong Marcos na isusulong niya ang mga kooperasyon sa agrikultura, energy at decarbonization, trade at investments, infrastructure, maritime cooperation, defense at security, space technology, at development projects sa Mindanao.
Kasama rin sa mga pag-uusapan ang sitwasyon sa West Philippine Sea, sigalot sa Middle East, ugnayan sa Estados Unidos, ASEAN cooperation, at kandidatura ng Pilipinas sa United Nations Security Council.
Makikipagpulong din si Marcos kay Japanese Prime Minister Sanae Takaichi kung saan inaasahang lalagdaan at iaanunsyo ang mga bagong kasunduan sa trade, investment, seguridad, at maritime cooperation.
Sa pagbisita, sina Pangulong Marcos at First Lady Liza Araneta-Marcos ay inaasahang magbibigay at tatanggap ng state honors bilang bahagi ng pagpapatibay ng bilateral ties.
Si Marcos, na sinamahan ng kanyang economic team at mga kinatawan ng pribadong sektor, ay makikipag-usap din sa mga pinuno ng negosyo ng Japan upang isulong ang mga oportunidad sa kalakalan at pamumuhunan sa Pilipinas.
Inaasahang makikipagpulong din ang Pangulong Marcos sa mga miyembro ng Filipino community sa Japan, na kinikilala ang kanilang mga kontribusyon sa pamamagitan ng kanilang trabaho at serbisyo sa ibang bansa. (Vanz Fernandez)