Advertisers
Ni NONIE V. NICASIO
PANSININ ang character ni Julianne Richards sa pelikulang “Desperada.” Gumaganap dito ang aktres bilang isang pasaway na pokpok at gaya ng marami sa cast, pasado ang performance rito ni Julianne.
Nagkuwento ang seksing-seksing talent ni Lito de Guzman hinggil sa kanilang pelikula na nagsimula nang ipalabas sa mga sinehan last May 27.
Aniya, “Ang role ko rito, I portray Gigi po, isa po siyang prostitute with a strong and rebellious personality.”
Gaano siya ka-sexy sa movie?
“May pagka-sexy dahil sa role ko po, pero I would say I wasn’t too overly sexy, sakto lang po. Mas naka-focus po siya sa istorya ng character ko,” lahad ng aktres.
Iyong love scene nila sa loob ng nitso, mahirap bang gawin?
“Medyo na challenge rin po, kasi masikip yung space at limited po yung puwedeng gawin sa loob.”
Hindi ba sila nangati, wala bang mga insekto o langgam doon sa loob?
“Hahaha, hindi naman po. The production made sure to clean inside it beforehand. Siguro more on masakit lang po kasi may maliliit na bato, kaya nagkapasa po ako sa may hips,” nakatawang tugon pa ni Julianne.
Ang Desperada ay pinagbibidahan ni Robb Guinto, bilang isang babaeng biktima ng pananamantala na kinupkop sa isang mental asylum.
Markado rin ang papel ni Yasser Marta rito na nanalo bilang Best Supporting Actor sa 8th Sinag Maynila Independent Film Festival. Ginagampanan niya rito ang papel na si Lucio, na isang drug addict dahil pinagmalupitan at pinagsamantalahan ng isang makapangyarihang militar.
Nalaman din namin na ang director’s Cut ng Desperada ay mas bold, kaya hindi maipalalabas sa SM cinemas. Although mapapanood ito sa Robinsons mall, Ayala malls, at iba pang malls.
Ang rating ng movie ay R-18. Ang pelikula ay mula sa pamamamahala ng award-winning director na si Louie Ignacio.
Handog ng LDG Production nina Lito de Guzman at Daniela Carolino, tampok din sa pelikula sina Sue Prado, Mercedes Cabral, Marife Necessito, Adda Musni, at Jorge Guda.