Advertisers
Imbes na bumawi matapos mag-viral ang kanyang video na nagpapakita na sapilitan niyang inaresto ang isang 76-anyos na lalaking senior citizen dahil sa isang traffic altercation sa Taguig City, pinatunayan lamang ni Police Corporal Simeon Suan na talagang me diperensiya talaga siya.
Mismong si NAPOLCOM Vice Chairperson at Executive Officer Rafael Vicente “Ralph” Calinisan ay nakuha niyang bastusin sa press briefing na ipinatawag ni Calinisan ukol sa viral na video kung saan makikita si Suan na tila pwersahang hinahatak palabas ng sasakyan ang nasabing senior citizen. Diumano, aksidenteng nasagi ang sasakyan ng pulis habang minamaneho ng senior citizen ang isang cargo van.
Sa naturang viral video ay maririnig ang mga concerned citizen na inaawat ang pulis at pinakikiusapang magdahan-dahan lamang dahil nga matanda na ‘yung lalaking nakabanggaan niya. Bandang huli ay nagawa din ng pulis na isakay sa sasakyan ang senior citizen.
Sa naganap na press conference kalaunan, binanggit ni Calinisan ang ukol sa akusasyon na hiningan umano ni Suan ng P30,000 ang nasabing senior citizen bilang ‘areglo’ diumano sa kanilang naging aksidente.
Mariin naman itong itinanggi ni Suan at kahit daw magkano ay wala namang ibinayad sa kanya.
Sa kanyang pananalita, lumalabas na umaasa si Calinisan na hihingi man lamang ng paumanhin si Suan dahil sa ginawa niya sa isang senior citizen, lalupa’t nag-viral ang video at inulan siya ng batikos dahil dito.
Pero imbes na makuha ang mensahe ni Calinisan, humirit pa ito ng pambabastos kay Calinisan mismo at nagsalita ng ‘Wag po tayong magpapogi sa media.” ‘Wag daw siyang gamitin para magpa-pogi sa media.
Natural na nabastusan sa kanya si Calinisan. Dahilan para iutos niya na palabasin na lamang si Suan.
Ngayon, sibak na sa posisyon si Suan. Sasampahan din siya ng kasong kriminal dahil sa paglabag sa karapatan ng senior citizen na inaresto nito dahil sa away-kalsada. Bukod diyan, mahaharap din daw ito sa mga kasong administratibo gaya ng oppression, grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer.
Ani Calinisan, dahil sa mga kagaya ni Suan kaya nawawalan ng tiwala ang taumbayan sa mga pulis. Biruin mo nga naman, kung si Calinisan mismo kaya niyang bastusin, mano pa kaya ‘yung mga ordinaryong tao, gaya nung nasabing senior citizen?
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.