Advertisers
By Anne Venancio
MAS pinabongga kaya naman mas excited na ang fans sa pagbabalik ng tambalang paborito ng Gen Z, sina Rabin Angeles at Angela Muji, sa bagong seryeng “Dating Alys Perez,” na magsisimula sa June 12, eksklusibo sa Viva One.
Mula sa Wattpad story na sinulat ni Ariesa Domingo, na mas kilala bilang Beeyotch, at umani ng milyun-milyong views, hanggang sa naging hit at pinag-usapang series adaptation, mas pinapainit ngayon ang mundo ng Seducing Drake Palma universe—mas mature, mas matindi, at mas kumplikado ang pag-ibig.
Muling gagampanan nina Rabin at Angela ang mga karakter na nagbigay sa kanila ng malaking tagumpay, ang misteryoso ngunit tapat magmahal na si Drake Palma, at ang sweet pero matapang na si Alys Perez.
Sey ni Angela, ramdam nila ang pagbabago ng istorya at ng kanilang mga karakter.
“Hindi na po kami pa-sweet. Mas challenging na po ngayon dahil nagma-mature na rin yung roles namin. Four years after po ng unang story,” aniya pa.
Dagdag naman ni Rabin, mas mabigat at mas seryoso ang bagong season.
“Mas mabigat po talaga siya. Mas focused kami ngayon sa set. Mas matured na po ito. Dito niyo po kami makikita sa ibang level ng acting namin.”
Sa bagong yugto ng kwento, si Zeke Polina ang papalit bilang Tripp Palma—ang knight-in-shining armor ni Alys at lalaking magpapagulo sa muling pagbabalik ng nakaraan. Una siyang nakilala sa Hell University bilang Ace “Supremo” Craige.
“I definitely felt the pressure, pero gagawin ko po ang best ko,” ani Zeke.
Umiikot ang kuwento sa buhay ni Alys na apat na taon matapos niyang magtapos ng pag-aaral. Sa wakas, buo na muli ang kanyang puso at masaya siya sa piling ng boyfriend niyang si Tripp.
Ngunit magbabago ang lahat sa pagbabalik ni Drake, dala ang mga alaala, sakit, at pag-ibig na akala niya ay matagal nang nawala.
Gagawin ni Drake ang lahat para mabawi si Alys kaya mas titindi ang tensyon sa pagitan nila ni Tripp. Dalawang lalaki na handang sumugal para manalo sa puso ni Alys.
Aminado naman si Direk Crisanto B. Aquino na mas seryoso at visually mature ang bagong season.
“From colorful and playful, ngayon mas glass and metal. Mas intense, mas mature,” aniya.
Para kay Angela, dream come true ang proyekto na sa Wattpad lang niya binabasa noon pero ngayon, siya mismo ang gumaganap sa papel ng mga karakter.
“Surreal po siya. Dati binabasa ko lang, ngayon ginagampanan ko na,” kwento pa ng aktres.
Pinuri rin ng dalawa ang patuloy na suporta ng fans, na nananatiling hooked sa kanilang natural na chemistry.
“Kung ano lang po kami on cam, ganoon din po kami in real life,” dagdag ni Angela, na sinang-ayunan ni Rabin.
Diniin din ng dalawa na mas komportable na sila sa isa’t isa ngayon, mas pamilyar na sa bawat kilos ng isa’t isa, at mas maganda na ang kanilang working relationship.
Sa pagbabalik ng kwento nina Drake at Alys, mas matinding kilig, sakit, at emosyon ang dapat abangan.
Pero ang tanong: sino ang pipiliin ni Alys—ang lalaking minahal niya noon, o ang lalaking kasama niya ngayon?
“Dating Alys Perez” premieres June 12, with fresh episodes every Friday on Viva One.
The tandem you fell in love with is back—but this time, love hurts a little deeper.