Advertisers
Muling umigting ang kontrobersiya sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee matapos kuwestiyunin ni Senador Erwin Tulfo ang kredibilidad ng isa sa mga testigong nag-uugnay sa kanya sa umano’y pagdedeliber ng mga maletang naglalaman ng malaking halaga ng pera.
Sa isang pahayag, mariing itinanggi ni Tulfo ang mga alegasyon ni Bernard Gumban, isa sa mga nagpakilalang miyembro ng grupong “18 Ex-Marines,” at iginiit na maraming bahagi ng testimonya nito ang hindi umano nagtutugma sa mga naunang isinumiteng dokumento at salaysay.
Ayon sa senador, mahalagang suriing mabuti ang mga detalye ng testimonya dahil nakasalalay dito hindi lamang ang reputasyon ng mga taong nadadawit kundi maging ang kredibilidad ng mismong imbestigasyon. Aniya, hindi dapat basta tanggapin bilang katotohanan ang mga pahayag na nagbabago sa bawat pagkakataong isinasalaysay.
Isa sa mga puntong binigyang-diin ni Tulfo ang umano’y hindi pagkakatugma ng mga detalye hinggil sa bilang ng mga maletang sinasabing naideliber.
Ayon sa kanya, sa naunang affidavit ni Gumban, binanggit ang anim na medium-sized na maleta, nguni’t sa mismong pagdinig nagkaroon umano ng magkakaibang bersyon kung dalawa o anim nga ba ang bilang ng mga ito.
Kinuwestiyon din ng senador ang umano’y pagbabago sa halaga ng perang sinasabing laman ng mga bag at maleta. Aniya, sa affidavit ng testigo, tinatayang naglalaman ang mga small bags ng nasa P15 milyon hanggang P25 milyon, nguni’t sa pagdinig naging P20 milyon hanggang P25 milyon na ito. Samantala, ang mga medium-sized na bag na una umanong tinatayang may laman na P30 milyon hanggang P40 milyon naging P40 milyon hanggang P50 milyon sa mga sumunod na pahayag.
Para kay Tulfo, ang mga naturang pagkakaiba sa bilang ng mga maleta at halaga ng perang sinasabing laman ng mga ito mga mahahalagang detalye na hindi dapat isinasantabi sa isang seryosong imbestigasyon. Aniya, ang mga pagbabago sa salaysay, nagdudulot ng pagdududa sa katumpakan at kredibilidad ng testimonya.
Napansin din ng senador ang umano’y pagbabago sa mga pangalang isinangkot sa usapin. May mga indibidwal na unang nabanggit sa affidavit nguni’t hindi na kalauna’y naisama sa pagdinig, habang mayroon ding mga detalye na aniya’y tila binago sa mga sumunod na salaysay.
Dahil dito, nanawagan si Tulfo na pairalin ang pagiging patas at walang kinikilingan sa lahat ng imbestigasyon ng Senado. Binigyang-diin niya na dapat ang mga pagdinig magsilbi upang mabatid ang katotohanan at hindi maging plataporma para sa mga alegasyong kulang sa matibay na ebidensiya.
Tinawag din ni Tulfo na isang “planadong propaganda” ang mga akusasyong ibinabato laban sa kanya at iginiit na hindi dapat maging entablado ang Senado para sa pagpapakalat ng maling impormasyon at mga hindi beripikadong paratang.
Kasabay nito, itinanggi rin ng senador ang anumang kaugnayan sa mga paratang at iginiit na handa siyang sagutin ang anumang akusasyon sa pamamagitan ng wastong proseso. Aniya, mahalagang mapanatili ang integridad ng mga institusyon ng gobyerno at tiyaking hindi nagagamit ang mga ito para sa paninira o pagpapalaganap ng maling impormasyon.
Sa huli, hinimok ni Tulfo ang publiko na maging mapanuri sa mga lumalabas na impormasyon at hintayin ang resulta ng masusing pagsusuri sa mga ebidensiya bago bumuo ng konklusyon hinggil sa naturang usapin.
“Walang lugar ang fake news at trolls sa ating mga institusyon,” ani Tulfo.(BP)