Advertisers

Advertisers

Libreng gamot kontra TB, pinamamahagi ng Caloocan LGU

0 4

Advertisers

Patuloy na pinalalakas ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang kampanya laban sa tuberculosis (TB) sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng konsultasyon, laboratory testing, at mga gamot para sa mga residente na may sakit o pinaghihinalaang may TB.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Mayor Along Malapitan na maaaring magtungo ang mga residente sa alinmang health center sa lungsod upang magpakonsulta at sumailalim sa mga kinakailangang pagsusuri nang walang bayad.
“Mga Batang Kankaloo, sa ating mga health center, libre po ang konsultasyon, pagpapalaboratoryo, at mga gamot para sa mga pasyente o mga pinaghihinalaang mayroong sakit na Tuberculosis,” ayon kay Malapitan.
Binigyang-diin ng alkalde ang kahalagahan ng pagsunod at pagtatapos sa itinakdang anim na buwang gamutan upang tuluyang malunasan ang sakit at maiwasan ang pagkalat nito sa komunidad.
“Mahalagang matapos ang anim na buwang gamutan upang tuluyang magamot ang nasabing sakit at maiwasan ang paglala o paglaganap nito sa komunidad,” dagdag pa niya.
Ayon sa Caloocan Health Department, kabilang sa mga sintomas ng TB ang matagal na pag-ubo, pananakit ng dibdib, lagnat, pagpapawis sa gabi, panghihina ng katawan, pagbaba ng timbang, at kawalan ng gana sa pagkain. Hinihikayat ang mga residente na agad magpakonsulta kung nakararanas ng alinman sa mga ito upang maagapan ang sakit.
Bahagi ang programa ng mas malawak na adyenda ng lungsod para sa pampublikong kalusugan, kabilang ang pagpapalawak ng access sa serbisyong medikal para sa mga residente, lalo na sa mga nangangailangan ng agarang paggamot.
Tiniyak naman ni Mayor Malapitan na mananatiling prayoridad ng kanyang administrasyon ang mga programang pangkalusugan upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga mamamayan.
“Asahan niyo pong mas tinututukan ng pamahalaang lungsod ang pampublikong kalusugan ng ating mga kababayan sa Caloocan,” ani Malapitan.
Sa pamamagitan ng libreng konsultasyon, pagsusuri, at gamot laban sa TB, umaasa ang pamahalaang lungsod na mas marami pang residente ang mahihikayat na magpagamot at makatulong sa pagpigil sa pagkalat ng naturang sakit sa komunidad.(BR)