Advertisers
KINILALA ng Kamara de Representantes ang pamumuno ni Senador Sherwin Gatchalian sa Senado at umaasang mareresolba ang umiiral na sigalot sa loob ng mataas na kapulungan nang hindi naaapektuhan ang impeachment trial ni Bise Presidente Sara Z. Duterte.
Ito ang sinabi ni Deputy Speaker Paolo Ortega V ng La Union sa panayam sa programang ‘Bantay Balita sa Kongreso’ ng dzBB nitong Linggo.
Ayon kay Ortega, naglabas na ng pahayag si Speaker Faustino “Bojie” Dy III upang kilalanin at batiin si Gatchalian nang mahalal bilang Senate President Pro Tempore ng 12 senador noong Hunyo 3.
Matatandaang idineklara ng Senado na bakante ang lahat ng posisyon sa liderato nang makabuo ng quorum ang 12 senador. Ginamit nila bilang batayan ang desisyon ng Korte Suprema noong 1949 sa kasong ‘Avelino v. Cuenco’ upang maiwasang maparalisa ang operasyon ng kapulungan dahil sa hindi pagdalo ng dating mayorya sa plenaryo sa loob ng tatlong magkakasunod na araw.
Binigyang-diin din ni Ortega na hindi lamang Kamara ang kumilala sa bagong liderato ng Senado. Kabilang aniya sa mga kumilala kina Gatchalian ang Malacañang, ang Integrated Bar of the Philippines (IBP), ilang law schools at iba pang sangay ng pamahalaan.
Sinabi ng mambabatas na natapos na ng Kamara ang tungkulin nito kaugnay ng impeachment at naghihintay na lamang ito sa Senado bilang impeachment court upang maumpisahan ang paglilitis.
“Sa Kongreso, halos tapos na kami. Natapos na namin ang aming obligasyon at trabaho hinggil sa impeachment,” ani Ortega.
Dagdag pa niya, nais ng Kamara na maresolba na ng Senado ang kanilang mga panloob na usapin upang makapagsimula na ang impeachment trial na matagal nang hinihintay mula pa ika-19 at ngayo’y ika-20 Kongreso.
Umaasa rin ang Kamara na magkakaroon ng mapayapang pag-uusap at pagkakasundo ang mga kampo ng dating Senate President Alan Peter Cayetano at ni Gatchalian upang makapagpokus ang Senado sa mga konstitusyonal nitong tungkulin, kabilang ang impeachment trial.
Aminado si Ortega na maaaring makaapekto sa iskedyul ng paglilitis ang nagpapatuloy na alitan sa Senado, ngunit iginiit niyang nananatili ang target na petsa ng pagsisimula ng paglilitis sa Hulyo 6.
Aniya, nananatiling mataas ang interes ng publiko sa impeachment trial, lalo na sa mga alegasyon laban kay Duterte kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential funds at iba pang mga isyung nakapaloob sa articles of impeachment.
“Batay sa aming sentiment survey sa lokalidad, mahigit 86 porsiyento ang nagtatanong kung kailan magsisimula ang impeachment,” ani Ortega.
Binigyang-diin din niya na hindi dapat matabunan ng mga usaping pampulitika sa Senado ang mas mahalagang usapin ng pananagutan sa publiko.
“Kapag magulo ang bahay, hindi natututukan ang mga mahahalagang bagay na kailangang simulan. Ang impeachment ay isang mahalagang konstitusyonal na obligasyon,” aniya.
Dagdag pa niya, kapag natuldukan na ang sigalot sa liderato ng Senado, dapat nang umusad ang impeachment trial upang mabigyan ng kasagutan ang mga tanong ng mamamayan, maging ang kahihinatnan nito ay paghatol o pagpapawalang-sala kay Duterte sa pamamagitan ng boto ng hindi bababa sa 16 senador.
Bagama’t hindi direktang inakusahan ni Ortega ang sinuman na sadyang nagpapabagal sa proseso, sinabi niyang nagmumukhang isang “smokescreen” o panggulo sa mas mahahalagang usapin ang mga nagaganap ngayon sa Senado.
“Kapag tiningnan mo ang sitwasyon, parang may dahilan ng paglihis ng atensyon at pagkaantala. Pero hindi ito maaaring maging dahilan upang hindi matuloy ang impeachment,” aniya.
Iginiit din niya na anuman ang magiging posisyon ng Office of the Vice President o ng kampo ng depensa ni Duterte hinggil sa usapin ng liderato sa Senado, hindi ito dapat maging hadlang sa itinakdang kalendaryo ng impeachment proceedings.
Ayon pa kay Ortega, ang paghahain mismo ni Duterte ng kanyang sagot sa articles of impeachment ay indikasyon na kinikilala rin ng kampo nito na tuloy-tuloy na ang proseso ng impeachment at nakatakdang magkaroon ng paglilitis.
Sa kasalukuyan, hindi pa pormal na naaayos ng Senado ang hidwaan sa pagitan ng mga kampo nina Cayetano at Gatchalian bago nito talakayin ang mga prayoridad na panukala, magsagawa ng mga pagdinig sa komite at higit sa lahat, simulan ang impeachment trial ng bise presidente.
Gayunman, dahil naka-adjourn sine die na ang Kongreso, lumalakas ang panawagan ng publiko kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na magpatawag ng special session upang maiwasan ang pagkaantala sa pagpasa ng mahahalagang panukala at sa pagsisimula ng impeachment trial laban kay Sara Duterte.